Salamat Kay Michael Martinez

SUMULAT UMANO ang ina ni Michael Martinez, ang nag-iisa at kauna-unahang atletang Pinoy sa ginaganap na Winter Olympics sa Sochi, Russia, kay Pangulong Aquino upang humingi ng suporta sa paglahok ng kanyang anak ngunit nabigo itong makakuha nito. Ayon naman sa Palasyo, wala raw silang natanggap na sulat kaya hindi nalaman ng Pangulo ang tungkol dito.

Makasaysayan ang ginawang pagsali ni Michael Martinez sa Winter Olympics dahil ito ang kauna-unahang paglahok ng isang bansa mula sa Southeast Asia sa ganitong kompetisyon. Hindi kailanman naging pangarap o pinag-usapan man lang sa antas ng pamahalaan na may isang Pilipinong makapapasok sa prestihiyosong palarong ito na halos mga mayayamang bansa lamang ang lumalahok.

Kahit ang mga banyagang mamamahayag ay nahihiwagaan sa talento at galing ni Michael. Isang malaking palaisipan sa kanila kung papaano nag-training si Michael. Saan siya nagsasanay at sino ang mga naging guro niya? Dito ka talaga bibilib sa mga kababayan natin na sa kabila ng hindi sadyang atin ang sport na ito ay may mga magagaling na guro sa figure ice skating na nagturo kay Michael.

HINDI NAGPAHULI si Michael sa mga malalaking bansa na kapwa mahuhusay rin ang mga atleta sa kabila ng kakulangan sa traning at kawalang-suportang nakuha sa ating gobyerno.

Ang kilos niya ay kalkulado at matataas ang lipad ng kayang mga paa habang nagpaikut-ikot ito nang tatlong beses sa ere. Walang kasing elegante ang pag-ikot niya sa yelo na animo ay turumpong nakatarak na rito.

Tunay na malayo ang mararating ng atletang ito gaya ng maraming komento sa kanya ng mga mamamahayag mula sa iba’t ibang bansa. Natitiyak kong ang bawat Pilipinong napanood ang pagtatanghal ni Michael ay halos napigil ang paghinga dahil sa mga galaw na ipinakita ni Michael at walang kasing ligaya ang naramdaman ng lahat pagkatapos ng napakamaramdaming performance ni Michael sa yelo.

NASAAN NGA ba ang ahensiya ng gobyerno na dapat nangangalaga sa ating mga atletang lumalahok sa mga pampalakasan sa labas ng bansa? Nakalulungkot na marinig na kinailangan pang magbenta o magsangla pa ng ari-arian ang magulang ni Michael para matuloy lang ang kanyang paglahok sa Winter Olympics. Sampal yata ito sa matuwid na daan ni PNoy kung walang naipadalang tulong ang kanyang gobyerno sa atletang nagdala ng karangalan sa bansa.

Hindi lang naman ito ang unang kapalpakan ng Philippine Sports Commission (PSC) sa mga ganitong international games. Ilang beses ding nag-uwi ng gintong medalya ang mga atletang Pinoy na lumahok sa dragon boat competition at wala ni anumang suportang nakuha mula sa PSC ang mga ito. Ano ba ang ginagawa ng mga namumuno sa ahensiyang ito at nananatili itong inutil sa mga dapat nitong gampanan?

Sa mga nakarang international games gaya ng South East Asian Games (SEA Games) ay halos wala rin namang naiuwi na medalya ang mga atletang pinadala nito. Samantalang ang ang manlalarong mahuhusay ay hindi nakatatanggap ni singkong duling mula sa PSC. Nagbubulag-bulagan ba ang ating pamahalaan sa pagiging inutil ng PSC?

Baka naman dahil isang kamag-anak ng Pangulo ang nakaupo rito kaya parang bulag at bingi ang pamahalaan sa mga hinaing ng maraming atleta sa kanila. Dapat naman sigurong palitan ang mga taong binabayaran mula sa buwis ng mga mamamayan ngunit hindi ginagampanan nang tama ang responsibilidad na ibinigay sa kanila.

Dapat ay nagsasaliksik ang PSC at hinahanap ang mga atletang mahuhusay at lumalahok sa mga international competition. Maging ang pamahalaan ay hindi dapat mangatuwirang hindi nakarating ang sulat ng ina ni Michael sa Pangulo kaya walang tulong na naipadala. Hindi naman dapat sumulat pa ang ina ni Michael para humingi ng tulong.

TALAGA YATANG walang kusa itong pamahalaan natin dahil maging sa ibang pangangailangan ng mga Pilipino ay walang nahihita mula sa kanila. Bagkus ay puro pabigat na pasanin ang binibigay ng pamahalaang Aquino sa mga Pilipino.

Bakit hindi na lang pasanin ng pamahalaan halimbawa ang dagdag na singilin sa kuryente? Pera ng mga mamamayan ang pondong galing sa buwis at iba pang yamang nakukuha sa ating bansa. Sa tao ang mga ito at dapat lang na gamitin para sa kanila sa panahon ng pangangaila-ngan.

Maging ang pasahe sa MRT at LRT ay tataas na rin dahil gusto pang tanggalin ng pamahalaan ang subsidiyang binibigay nito sa pamasahe sa tren. Hindi na natutulungan sa kabuhayan ay tatanggalan pa ng benepisyo ang mga tao. Ganito ba talaga kalupit ang pamahalaan ng tuwid na daan?

Ang mga pampublikong hospital imbes na pagandahin at ayusin ay ginagawang pribado. Saan pa makakakuha ng libreng pagpapagamot at hospital ang mga pobreng Pilipino? Hahayaan na lang na mamatay ang mahirap dahil wala itong pera pampaospital? Ito na yata ang malungkot na reyalidad sa mga kababayan nating kapos sa buhay.

MABUTI NA lang ay may atletang tulad nina Manny Pacquiao na nagdadala ng karangalan at kaligayahan sa mga Pilipino. Ngayon ay may isang Michael Martinez na buong tapang na hinarap ang hamon sa Winter Olympics sa mura nitong edad na 17 at binigyang-karangalan ang ating bansa. Binigyan niya rin ang mga kababayan natin dito ng inspirasyong magkaroon ng pag-asa sa buhay.

Si Michael Martinez nga ay isang inspirasyon sa mga problemang mukhang imposible dahil ginawa ni Michael na posible ang isang imposible at ito ay ang lumahok sa Winter Olympics. Hindi naging madali kay Michael at sa pamilya niya ang pinagdaanang proseso at pagsubok para makasama sa Winter Olympics. Sana ay kapulutan natin ng aral at inspirasyon ang kuwentong ito ni Michael.

 

Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleAno ang Ibig Sabihin ng Small Claims Court?
Next articleAnsabeee 02/17/14

No posts to display