NAALALA N’YO ba nang unang naging usap-usapan ang pinakabagong car-grabbing app sa Pilipinas, ang Uber? Hindi ba’t pinahihinto pa ito, dahil sa wala raw itong prangkisa dahil nga private cars ito. Nawawalan daw ng pasahero ang mga taxi driver; sumisikip daw ang trapik sa kalsada, dahil dumadagdag pa sila; at marami pang iba.
Buti naman matapos ang mga batikos na iyan sa Uber, nanahimik din sila at patuloy pa rin ang serbisyo ng Uber para sa mga Pinoy commuter. Buti naman kanilang napagtanto na kinakailangan naman nating umasenso sa pagko-commute, dahil tila ba nahuhuli na tayo sa ibang bansa na matagal nang gumagamit ng Uber. Tapos tayong kalulunsad lang ng Uber, pinahihinto pa? Naku, nga naman!
Personal kong hinahangaan ang serbisyong hatid ng Uber higit pa sa nakasanayan nating taxi. Madalas nating ikumpara ang taxi at Uber pagdating sa kanilang serbisyo. Bakit kaya?
Problema ng mga Pinoy commuter ang mga taxi driver na namimili ng pasahero sa iba’t ibang kadahilanan. Pero pinakarason diyan ay nalalayuan ang mga taxi driver sa destinasyon ng pasahero.
Sa Uber, walang dahilan para pumili o tumanggi ng pasahero, dahil mauunang ma-book ng pasahero ang Uber at kapag sila ay nakasakay na, saka lang malalaman ng Uber drivers ang destinasyon na pupuntahan nila. O, ‘di ba, walang takas?! Mas maganda na nga ito para walang pilian at tanggihan ng pasahero na magaganap. Magbabayad ka naman ng tapat pero tatanggihan ka nila. Hindi na yata tama ‘yun.
Hindi lingid sa kaalaman natin ang pagkawala nang parang bula ng mga taxi sa panahon ng tag-ulan. Naiintindihan ko na ayaw nilang bumiyahe kapag tag-ulan dahil mas prone sa pagkasira ng sasakyan ang pagbiyahe sa ganitong panahon. Pero sana naman naiintindihan nila na ang pinasok nilang trabaho ay ang maghatid sa mga Pinoy commuters at hindi mag-inarte. Dapat pinaghahandaan nila ang mga ganitong bagay, alam naman nila na ganito talaga ang lagay ng panahon sa Pinas.
Sa Uber, nariyan lang sila sa paligid kapag panahon ng tag-ulan, ang paghahandang kanilang ginagawa kapag ganitong panahon ay ang pagkakaroon ng surge charge o additional rate. Sa umpisa pa lang, makikita na ito ng mga Uber passenger at nasa sa kanila kung kakagat sila sa surge o hihintayin nilang bumalik ito sa normal rates.
May mga iilang taxi drivers na rin na para bang sila na ang nagsisilbing metro ng taxi, dahil kinokontrata na nila ang kanilang mga pasahero sa presyo ng pamasahe nila. Mabuti sana kung makatuwiran ang pagpresyo, kaso hindi. Mas madalas pa rin ang pagpatong nila rito ng malaking kick-back.
Sa Uber, hinding-hindi mangyayari ito dahil kinakailangang tumakbo ang metro kada may pasahero. Ang ikinaganda pa, automatic na i-email sa iyo ang resibo ng pasahe mo.
Sa tuwing may mararanasan kang hindi kaayaaya sa biyahe mo gaya ng pagpatong ng pasahe, pambabastos, o pandaraya ng driver at marami pang iba, puwedeng-puwede mo naman itong isumbong sa kinauukulan. Ngunit kung sa taxi ‘yan, aba suntok sa buwan ang responde na makukuha mo. Kaya minsan, ipagdarasal mo na lang ang mga masasamang drivers. Wala ka naman kasing mapapala kung isusumbong mo pa, dahil matagal na nga, hindi ka pa masusuportahan.
Ngunit, kabaliktaran naman ito sa Uber dahil napakabilis ng kanilang pagsagot sa mga client complaint na natatanggap. Dahil kada matapos ang biyahe mo, may rating at survey system ang Uber, kung saan puwede mong i-rate ang driver mo at bigyan ito ng komento. Mabilis ang kanilang pag-aksyon sa mga kaso. Halimbawa, kung totoo ngang pinaikut-ikot ka ng driver para mapamahal ang babayaran mong pamasahe, puwede mo ito isumbong at tiyak ibabalik nila ang sobrang ibinayad mo at mawa-warning-an pa ang driver na gumawa nito. Wala pang dapat ikatakot dahil hindi ka nila pangangalanan sa driver kaya hinding-hindi ka nila mababalikan.
Kakumpa-kumpara nga naman ang serbisyong ibinibigay ng taxi at Uber para sa ating mga commuter. Mas napasasama nga ang taxi sa mata ng lipunan. Hindi ko naman nilalahat sila, ‘yung iba lang naman sa kanila. Hindi lang ito base sa sarili kong karanasan sa taxi, kundi base ito sa mga balitang patungkol sa taxi. Kaya sana, daang matuwid din ang serbisyo ninyo gaya ng Uber. Para walang pagkukumpara na nagaganap.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo