Salamisim

DALAWANG GABING sunod akong inanod ng kakaibang panaginip. Nahuhulog ako sa madilim na balon, patarik ang ulo at kinakapos ng hininga. Nagpupumilit na sumigaw subalit walang lumabas na tinig. ‘Di maikibo ano mang bahagi ng katawan.

Sala-salansang alaala ang nagtatakbuhan sa aking isip. Mga dating kababata, ilog na pinagtampisawan, burol na inakyat. Sasalimbay rito mga pira-pirasong mukha ng mga dating kakilala o kaibigan, karamihan ay pumanaw na. ‘Di ko mapagtagpi-tagpi ang kahulugan ng mga panaginip.

Salimisim. ‘Yan ang taguri sa ganyang uri ng panaginip. Subalit sa labis na pagkalungkot o pagkabalisa, pagkabigo sa hinahangad o kaugnay ng mabilis na pagtanda. May media explanation din. Ang mitsa ay hormonal change o over-eating sa gabi. Maaari ring senyas ng bara ng mga ugat malapit sa puso.

Nakakatakot ang ganitong karanasan. Ngunit isang alagad ng simbahan ang nagwika sa akin. ‘Di ba bago matulog, inaalis natin salamin, relo, pitaka at iba pang borloloy sa katawan? ‘Di ba ang pagtulog ay pag-eensayo sa nakatakda nating kamatayan? Kaya ‘di dapat matakot. Bago ipikit ang mata, magtika at magdasal. Ipaubaya ang buong magdamag sa kalooban ng Diyos.

May kaakibat pa ito. Laman ng aking panaginip ang larawan ng aking yumaong ina at ama ‘pag ako’y may malalim na suliranin. Tila ba pinapayuhan nila ako at binibigyan ng lakas. Sa panaginip, bigla na lang hahagulgol ako sa halong lungkot at galak.

Matinik, madilim at mapanganib ang landas ng buhay. Punung-puno ng kakaibang salamisim.

SAMUT-SAMOT

 

SUMUOT NA yata sa kukote ni boxing champ Manny Pacquiao ang kanyang pagkasikat. Biro, pati BIR ay dinidiktahan niya? Kung wala siyang tinatago sa kanyang income tax returns bakit ‘di na lang niya ilabas ang mga supporting documents na kinakailangan. Hirap kay Pacquiao, akala niya nasa ibabaw siya ng batas. Tama ang payo sa kanya ni House Speaker Belmonte: You are our champ. But please pay your taxes.”

SA TOTOO lang, marami ng naaalibadbaran kay Pacquiao. Lahat na lang sinasawsawan. Politics, showbiz, product endorser, at Bible minister. Nakakabingi na ang kanyang laging dada. Mga tungkulin niya bilang mambabatas, ‘di tinutupad. Walang utang na loob ang bansa sa kanya. Bulsa niya ay nagkakamal ng paldo-paldong salapi sa tagumpay niya sa ring. Hanggang ngayon, kulang pa siya sa pansin?

PANAHON PA ni dating Pangulong Cory ang energy shortage sa Mindanao. Nakapagtataka kung bakit ‘di ito mabigyan ng lunas ng mga sumunod na administrasyon. Ngayon, tinamaan ng mabigat na problema si P-Noy. Nakahihinagpis talaga ang Mindanao. Talagang land of promise. Promises na ‘di natutupad. Hanggang ngayon, paatis-atis pa si P-Noy sa Mindanao. Walang road map para sa Mindanao development. Kung ganito ang sitwasyon, ‘wag tayong umasa na malulutas pa ang giyera sa rehiyon.

‘DI BA panahon na upang tumawag ng anti-crime summit sa buong kapuluan? Araw-gabi, krimen sa Kamaynilaan, rumaragasang parang ‘sang run-away train. Sa loob ng malls, labas ng kalye, loob ng bahay, dumadanak ang dugo. Anong ginagawa ng kapulisan? Si PNP Chief Nicanor Bartolome, sa atin, ang pinakapalpak na hepe ng PNP. Mabunga lang sa press releases. Subalit sa operations sa anti-crime effort, palpak. Anong ginagawa ni anti-crime czar, Jojo Ochoa? Noynoying anyone?

INUTIL NA DSWD. Bakit ‘di hulihin ang sindikato ng mga nagpapalimos na pulubi sa Kamaynilaan? ‘Di ba may batas na nagbabawal magpalimos? Sukdulang kasalanan ng mga sindikato. Sa barya-baryang kita, ginagamit ang mga kawawang musmos. Matagal ko nang tinatawag ang pansin ng DSWD at iba pang awtoridad. Ngunit mga inutil at manhid na mga ahensiya. Ipatupad ang batas.

KAIBA NA ang dating ng kapulisan sa mga mamamayan. Nu’ng una, tingin sa kanila’y kagalang-galang. Ngayon, sila’y iniiwasan. Bakit nagkaganito ang kanilang imahe? Nu’ng ako’y bata pa, pinakarespetadong tao sa aming baryo ang pulis, pari at sanidad. Sila’y ginagalang at payo nila sa mga problema ay sinusunod. Ngayon, lahat kabaligtaran. Sir, may darating na pulis. Takbo, dali, baka tayo mabakalan!

NAPAKATUSO NG demonyo. Sa idle mong isip siya naglalaro. Binibigyan ka ng pagkabalisa, ‘di mapaliwanag na pagkabagot at pag-iisip na baluktot. Minsan kahit ang dasal, ‘di mo siya maigupo. Pag-iisip ng masama o kahalayan ang lagi niyang ginagawa. Siguro mas grabe ang mga pagtukso sa mga santo. Isa na ang stigmata saint, Fr. Pio, rito. Sa kanyang talambuhay, nalathalang siya’y binubugbog sa pagtulog ng mga demonyo. ‘Pag minsan, ‘di tumutugon sa pagtaghoy mo ang Diyos. Ngunit  kailangang labanan ang tukso. Ng pananampalataya at dasal.

NASA’N TAYO bago tayo isilang? Tanong na magkakaibang uri ang sagot. Pinakamalalim na misteryo ng buhay ang ating paglalakbay sa buhay. Walang diretsong sagot sa tanong. Kahit ang ating relihiyon, walang katiyakang sagot kundi ipaubaya sa faith o pananampalataya. Kagaya ng mystery of the Holy Trinity. Kung tutuusin, maraming mga tanong sa buhay na walang kasagutan.

KAHANGA-HANGANG ANAK na babae ng ‘sang magbobote sa Tiaong, Quezon. Kamakailan, si Trinia ay nagtapos ng magna cum laude sa San Pablo University major in Business Administration. Sa TV footages, ipinakita na masahol pa sa bahay ng daga ang tinitirhan ng mag-ama. Ulila sa ina, pinagtiyagaan ng ama na isulong ang pag-aaral niya. Nakatawag ito ng pansin sa mga businessmen sa siyudad at siya’y inalok ng trabaho.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleMayor at Alkalde ng Imus, Cavite
Next articleKuripot daw magbigay ng tip Diether Ocampo, nag-aaliw sa night club!

No posts to display