HINIHIKAYAT NATIN ang 11-man Prosecution Team sa pangunguna ni Iloilo Rep. Niel Tupas na dapat ay maingat nilang buoin, pag-aralan at iprisinta nang maayos sa Senate Impeachment Court ang mga ebidensiya laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Lalo na ang sa usapin ng Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN at ang tungkol sa hindi maipaliwanag o nakaw na yaman ng Punong Mahistrado.
Kung tayo nga ang tatanungin, kapag napatunayan itong mga nakaw o hindi maipaliwanag na yaman ay hindi lamang nararapat sibakin si Corona.
Sampahan din ito ng kasong criminal at ipakulong!
Upang magsilbing babala sa mga opisyal ng pamahalaan, na hindi dapat pamarisan itong matataas na opisyal na mahilig mangurakot gamit ang kanilang matatamis na pangungusap!
Op kors, dahil tayo nga parekoy ay may demokrasya, nararapat lamang pasagutin o pagpaliwanagin muna ang sinumang nasasakdal.
Halimbawa, itong si Iloilo Rep. Niel Tupas ay mistulang maamong kordero, may napakilinis na puso at walang bahid-dungis na kapintasan.
Kaya nga siya ang nangunguna ngayon sa House of Representatives para patalsikin sa pamamagitan ng Impeachment sa senado itong si Corona.
Dahil sa tingin nina Tupas ay may nakaw o hindi maipaliwanag na yaman itong si Corona.
Pero teka lang, parekoy, ito bang si Rep. Tupas ay napakalinis nga? Walang bahid-dungis? At higit sa lahat, ang kanya bang kayamanan ay naipaliliwanag niya o iniulat sa kanyang SALN?
Eh, ano itong naiulat na halagang 28 milyong under construction na mansyon sa Xavierville Subd. sa Quezon City?
Naiulat kaya ito sa kanyang SALN? Ipinaliwanag na ba niya ito?
Sabi nga sa Biblia, baka ang muta sa mata ng iyong kapwa ang iyong nakikita pero ang malaking tahilan sa sarili mong mga mata ay hindi mo napupuna!
He, he, he, ano kaya parekoy kung isang araw ay magsama sina Corona at Tupaz sa oblo?
MAY MGA tao talaga, parekoy, na may angkin o ‘ika nga ay likas na atityud.
Ang iba ay katangian at ang iba naman ay kapansanan!
Ang iba ay tibay ng loob at ang iba naman ay kapal ng mukha!
Gaya nitong Director ng Northern Police District na si Gen. Antonio Decano at ang kanyang mga alipores na sina P03 Jojo Cruz at C/Insp. Lleva.
Sa nakaraang ilang buwan ay paulit-ulit na laman ng mga pahayagan ang umano ay sabwatan ng mga ito.
Ayon sa report, si Cruz ang collector at si Lleva naman ang bagman nitong nuknukan ng kuripot na si Gen. Decano.
Pero sa awa ng Diyos ay ni hindi man lang pinaiimbestigahan ni Decano itong sina Cruz at Lleva.
Naku Gen. Decano, sir, paano mo malilinis ang pangalan mo niyan at maging ang dalawang pulis na nabanggit kung hindi mo paiimbestigahan?
‘Yan bang pananahimik ninyo sir ay bahagi ng katangian o kapansanan?
I mean, ‘yan ba ang tinatawag na tibay ng loob o kapal ng mukha?
Naalaala ko tuloy ang kasabihang, tamis ng dila, tibay ng loob at kapal ng mukha, puhunan sa pagtaba! Hak, hak, hak!
PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood din ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303