Salvage

NOONG JULY 24, 2011, dalawang kabataan ang napaslang ng mga pulis sa barangay Batong Malake, Los Baños, Laguna – na ayon sa mga pulis ay napatay nila sa isang shootout.  Ang dalawang napaslang ay sina Gilbert de Ocampo, 22 years old at Bradley Inway, 16 years old.

Ayon kay PO2 Allan Vergara ng Los Baños PNP at isa sa mga sangkot sa umano’y pagkapaslang sa dalawang kabataan, rumesponde raw sila sa tawag ng barangay chairman dahil sa reklamong may mga kabataan daw na pagala-gala sa paligid na may mga bitbit na baril.

Nang kumprontahin daw nila ang mga kabataan, nanlaban ang mga ito’t nagpaputok ng baril kaya napilitan silang gumanti at napatay nila ang dalawa. Idinagdag pa ni Vergara na may narekober daw si-lang baril mula sa bangkay nina Gilbert at Bradley.

Pero kung ang siyensya ang gagawing batayan – sa pamamagitan ni Dr. Roy Camarillo, medico-legal ng SOCO ng Region 4-A, hindi nanlaban sina Gilbert at Bradley. At wala rin silang baril.

Sa ginawang panayam ng WANTED SA RADYO kay Camarillo, nadiskubreng may isang tama ng bala sa bandang ulo ang isa sa mga biktima at sa may bandang panga naman ang isa na pawang mula sa pamamaril nang malapitan. Ang mga sugat mula sa mga tama ng balang ito ay pawang mga fatal wounds, ayon pa kay Camarillo. May tama rin ng ilang bala sa iba’t ibang parte ng likuran ang bawat biktima, dagdag pa ni Camarillo.

Sinabi rin ni Camarillo na base sa ginawa nilang powder burn analysis sa kamay ng mga biktima, lumilitaw na hindi sila nagpaputok ng baril. Sa imbestigasyon ng SOCO, lumitaw rin na may mga gasgas sa mukha at sa iba’t ibang parte sa harapan ng katawan ang dalawang biktima. Sinabi rin ni Kagawad Janus Lapis ng Barangay Batong Malake na walang blotter sa barangay na tumawag sila sa pulis, taliwas sa sinasabi ni PO2 Vergara na rumesponde sila sa tawag ng barangay chairman.

Tumutugma naman sa findings ng SOCO ang sumbong ni Nimfa Enconado, tiyahin ni Gilbert, na pinagbabaril ang mga biktima habang ito ay patakas sakay ng motorsiklo. Ayon kay Nimfa, ang mga biktima ay kinapos ng 60 pesos na pambayad sa kanilang chit sa bar. Tumawag ang may-ari ng bar sa presinto. Pagdating ng mga rumespondeng pulis, nagsitakbuhan ang mga biktima. Doon na sila pinagbabaril.

Sa aking pag-aanalisa, ganito marahil ang nangyari. Nang patakas na ang mga biktima sakay ng motor, hinabol sila ng mga rumerespondeng pulis. Sa kagustuhan ng mga pulis na hindi makatakas ang mga biktima at sa galit dahil sila ay tinatakasan, pinagbabaril umano nila ang mga ito. Tinamaan ang mga biktima sa iba’t ibang parte ng kanilang likuran na siyang ikinasubsob ng kanilang motor at nag-kagalus-galos ang kanilang mga mukha. Inabutang naghihingalo pa ang mga biktima. Pero tinodas na sila sa pamamagitan ng pagbaril ng malapitan. Ayon kasi sa SOCO, ang ibang mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng likuran ng mga biktima na binaril nang malayuan ay hindi mga fatal wounds.

Sa kasalukuyan, tinutulungan na ng Public Attorney’s Office ang mga kamag-anak ng biktima para sampahan ng kaso ang mga pulis na sangkot sa pamamaril.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleGusto na raw lumagay sa tahimik… Hubert Webb with GF, Naaktuhan!
Next articleWalang “pag-asa” at kotong sa Caloocan

No posts to display