ISANG bagong mystery / thriller ang handog ng iWant para sa mga manonood na naghahanap ng thrill habang naka-community quarantine ang buong Pilipinas.
Ang ‘The Tapes’ ay pinagbibidahan nina Yassi Pressman at Sam Milby na mula sa direksyon ng Malaysian director na si Bradley Liew. Siya rin ang direktor ng pelikulang Motel Acacia nina JC Santos at Agot Isidro, na naapektuhan ang theatrical release dahil sa takot ng mga manonood na mahawaan ng coronavirus kung maglalagi sa loob ng sinehan.
Sa bagong digital series ng iWant Originals ay balik-tambalan sina Yassi at Sam na unang nagsama sa romance-comedy movie noong 2018 na ‘Ang Pambansang Third Wheel’. Kung noon ay mas pakilig at patawa ang kanilang approach sa istorya, isang seryosong action-thriller naman ang bago nilang proyekto na natapos nilang i-shoot bago pa man nagkaroon ng aberya sa pagapatigil ng mga TV and movie productions ang ABS-CBN.
Sa isang panayam kay Yassi ay sinabi nito na um-oo siya agad sa proyektong ito kahit busy siya bilang leading lady ni Cardo sa FPJ’s Ang Probinsyano dahil nagustuhan niya ang istorya. Set in the late 90’s in Baguio City, dalawang pulis (played by Sam and Yassi) ang nakadestino sa isang lugar na halos walang krimen na nangyayari hanggang isang araw ay nakatanggap sila ng ‘mysterious tapes’ kung saan malalaman nila na isang babae ang nawala na lang na parang bula mahigit tatlong taon na ang nakakaraan. Dito mag-uumpisa ang ‘exciting’ part ng trabaho nilang bilang mga pulis.
Habang iniimbestigahan ng dalawa ang kaso ay doon nila mapapagtanto na maraming lihim na itinatago ang mga tauhan sa kanilang simpleng lugar.
Ayon kay Yassi, nakatulong sa kanya ang papel niya bilang Alyanna sa FPJ’s Ang Probinsyano para magampanan niya ang isang single mother policewoman sa ‘The Tapes’. Hindi na niya kailangan mag-adjust masyado. Ang challenge para sa kanya ay ang salitang taping para sa FPJ’s Ang Probinsyano sa Quiapo at The Tapes sa Baguio City.
Dahil second time na nila magtrabaho sa isang proyekto, mas naging close this time sina Sam at Yassi. Nakatulong ang ‘no cellphone policy’ na in-implement sa set. Wala silang choice kundi kausapin ang isa’t isa at makipagbonding.
Ang ‘The Tapes’ ay mula sa panulat nina Bradley Liew at Dodo Dayao. Kasama rin sa cast sina Cherie Gil, Ricky Davao at marami pang iba.
Mapapanood na ng libre sa iWant ang digital series na ito na swak na swak sa mga taong naghahanap ng ‘thrill’ sa gitna ng boredom.