GUSTUNG-GUSTO TALAGA ni Sam Milby na tumagal sa showbiz industry. Kaya nga raw doble ang effort niya para pag-aralang mabuti ang Tagalog.
“Alam ko naman na ‘yon ang sagabal sa akin (pagsasalita ng Tagalog) kaya inaayos kong mabuti. Gusto kong mag-level up para tumagal ako,” dire-diretsong pahayag ni Sam nang makausap namin siya sa presscon ng pelikulang The Gifted ng Viva Films.
Kitang-kita sa pagsagot ni Sam in Filipino na talagang may effort siya to speak the language. Mas lalo pa kaming bumilib kay Sam sa ilang choice of words na ginamit niya.
“Gusto ko ring maging “dalubhasa” sa Tagalog. ‘Yung malalalim na Tagalog. At araw-araw ko ‘yung pinag-aaralan,” sambit pa ng aktor.
Wow naman, alam na niya ang salitang “dalubhasa”. Bongga naman.
Isang athlete na heartthrob sa kanilang school ang role na ginagampanan ni Sam sa The Gifted. At ang nakakaloka, ‘di raw siya magaling mag-English sa movie.
“‘Yon ang challenge sa character ko. Can you imagine na hindi ako Inglisero rito?” natatawa niyang kuwento. “But according to Direk Chris Martinez, na-deliver ko naman daw nang maayos,” dagdag pa niya.
Kasama ni Sam sa The Gifted sina Anne Curtis at Cristine Reyes. Palabas na ang pelikula sa Sept. 3 at meron itong international screening sa sept. 12 sa Los Angeles, Washington, Hawaii, Nevada, Texas at sa iba pang panig ng Amerika.
La Boka
by Leo Bukas