Same sex blessings

MATINDING BATIKOS ANG ginawa ng iba’t ibang sektor sa ginanap na kasalan sa Baguio City kamakailan.

Pangunahin sa mga bumatikos ay ang Simbahang katoliko.

Ang dahilan, “same sex marriage” daw ang nangyari, kaya iligal daw ang naganap na kasalan sa mata ng tao at sa mata ng Diyos.

‘Yan ang isang dahilan, parekoy, kung bakit nahihirapang umangat sa buhay tayong mga Pilipino.

Dahil kulang na nga ang oras natin sa pagpuna at pag-asikaso sa ating mga sarili, pero maraming oras ang ginugugol natin sa pagpuna at pakikialam sa buhay ng iba!

Sa totoo lang, ang gusto nitong mga nagbigay ng negatibong komentaryo sa naganap na kasalan ay pakialaman pati ang kaligayahan ng ibang tao.

Samantalang hindi naman sila pinakikialaman sa kanilang kaligayahan!

Pero silipin natin sandali ‘yong naganap sa Baguio, kasalan nga ba ‘yon (wedding) o pagbabasbas (bles-sing)?

Sa doktrina ng kasal, tatlong elemento, parekoy, ang napapaloob;

Una, pag-ibig sa pagitan ng dalawang tao.

Pangalawa, dokumento upang maging legal hindi lamang ang kanilang pagsasama, kundi, higit sa lahat ang mga legal na karapatang nararapat para sa magiging bunga ng kanilang pagsasama, at;

Pangatlo, basbas (blessing) ng Diyos na iginagawad ng lider ng simbahan na ayon sa kanilang paniniwala ay siyang mamamagitan sa kanila at sa kanilang Diyos.

Sa ating pananaw, parekoy, hangga’t walang legal document na pineke o inihanda kaugnay sa naganap na kasalan ay wala tayong karapatang humusga o sabihing iligal ang mga ito.

Dahil sa nakikita natin, parekoy, ang naganap ay isa lamang pagbabasbas o blessing sa relasyon ng mga nagmamahalan!

Lalo namang wala tayong karapatan, ni ang estado man, na pakialaman ang pananampalataya ng kanilang relihiyon kung sa kanilang doktrina ay maaaring magsama sa isang bubong ang dalawang tao na nagmamahalan!

Kahit sabihin pang sila ay parehong lalaki o parehong babae!Tutal naman ay hindi ang kanilang simbahan ang may control sa legalidad ng kanilang pagsasama.

Ang ibig nating sabihin, parekoy, hayaan silang gumawa ng pagbabasbas basta huwag lang aprubahan ng pamahalaan ang kanilang application for marriage license!

At ang pinakamahalaga, ay huwag natin silang kundenahin dahil sila ay nagmamahalan!

Mas maganda na ‘yan, parekoy, na sila ay magmahalan, kaysa naman sila ay mag-away-away!

At dapat, kung sinuman ang sa paniniwala niya ay wala talaga siyang nagawang kasalanan sa mundong ito, siya ang unang magkundena!

Aber sino ba ang hindi nagkasala?

INAANYAYAHAN ko po kayo na makinig sa aking radio program na ALARMA KINSE TRENTA, Lunes-Biyernes, 6-7 am sa DZME o kaya ay mag-log-on sa www.dzme1530.com o mag-e-mail sa [email protected]  o mag-text sa 09152121303.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous article12-oras na trabaho, wala pang day-off
Next articleMister ng young actress, 6 months na lang ang taning?!

No posts to display