Dear Atty. Acosta,
MAY NAKAPAGSABI sa akin na kapag 7 years na raw magkahiwalay ang mag-asawa ay p’wede nang magpakasal muli. Totoo po ba ito? Naitanong ko po ito kasi mahigit 10 years na kaming hiwalay ng asawa ko at sa ngayon ay may bago na akong karelasyon. Puwede na po ba kaming magpakasal kahit hindi pa annulled ang kasal namin ng asawa ko?
Gerry
Dear Gerry,
SANG-AYON SA batas patungkol sa pamilya, ang paghihiwalay ng mag-asawa ay hindi nagiging sanhi ng pagkawalang-bisa ng kanilang kasal. Kung magkaganu’n, kahit gaano katagal nang hiwalay ang mag-asawa, nananatiling may bisa pa rin ang kanilang kasal. Maliban na lamang kung dumulog sa husgado ang isa sa kanila upang hilinging ipawalang-bisa o ideklarang walang bisa ang kanilang kasal at may legal na basehan para ito ay mapawalang-bisa o ideklarang walang bisa ng hukuman.
Ang paghihiwalay ninyo ng iyong asawa sa loob ng mahabang panahon hanggang sa ngayon ay maaaring maging basehan upang ideklarang walang bisa ang inyong kasal. Sapagkat ito ay isang patunay na ang isa sa inyo ay hindi nakatupad sa obligasyon ninyo bilang mag-asawa. Ayon sa batas, kung ang isa sa o parehong mag-asawa ay dumaranas ng “psychological incapacity” o ang kakulangan sa pag-iisip na nagdulot ng kabiguang tumupad sa mga pangunahing tungkulin o obligasyon ng isang taong may asawa tulad ng pagsasama sa iisang bubong, pagmamahalan, pagtitiwala, paggalang at pagkakaloob ng suporta sa isa’t isa. (Article 35, Family Code of the Philippines)
Sa puntong ito, kung nais mong ipadeklarang walang bisa ang iyong kasal sa iyong asawa, kakailanganin mong maghain ng petisyon sa korte para rito. Kakailanganin mo rin ang serbisyo ng isang abogado upang umalalay at tumulong sa iyo sa paghahain ng nasabing petisyon. Bukod pa rito, maaari mo ring hingin ang opinyon ng isang dalubhasa, katulad ng isang psychiatrist o psychologist, patungkol sa kalagayan ng pag-iisip ninyong mag-asawa. Ang opinyon ng nasabing dalubhasa ay kailangang maipresenta sa hukuman upang lalong makumbinsi ang korte na ang pagkukulang ng isa sa inyo o ninyong dalawa para gampanan ang inyong obligasyon bilang mag-asawa ay nag-ugat sa kalagayan ninyo o ng isa sa inyo, sa pag-iisip. Sa sandaling maglabas na ng desisyon ang hukuman at ideklarang walang bisa ang iyong kasal, ikaw ay maaari nang magpakasal muli.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta