Dear Chief Acosta,
SAMPUNG (10) TAON na po akong nagtatrabaho sa isang kumpanya sa Bulacan at sa loob ng panahong ito ay hindi ako naging miyembro ng SSS. Wala po akong pinirmahan na kontrata na magpapatunay na emple-yado nila ako. Mayroon po ba akong karapatang magkaroon ng SSS?
Mr. Pogi
Dear Mr. Pogi,
LAYUNIN NG Republic Act No. 8282 o ang Social Security Act of 1997 na mabigyan ng proteksiyon ang kanilang mga miyembro at ang kanilang mga beneficiary laban sa mga pangyayaring magiging sanhi ng pagkawala ng kita ng miyembro o suliraning pinansiyal. Ilan sa mga pangyayaring ito ay ang pagkakaroon ng sakit, kawalan ng kakayahang pisikal upang ipagpatuloy ang trabaho, pagreretiro dahil sa edad, panganganak at pagkamatay ng isang miyembro.
Ipinag-uutos ng nasabing batas na ang sinumang empleyado na hindi lalampas sa edad na 60 taong gulang at ang kanyang employer ay kinakailangang maging miyembro ng Social Security System (SSS) (Section 9, RA 8282). Mayroong obligasyon ang bawat employer na ipagbigay-alam sa tanggapan ng SSS ang pangalan, edad, estadong sibil, trabaho, halaga ng sahod at mga taong nakadepende sa empleyado nito. Sa pangalang ito ilalagay ang lahat ng kontribusyon ng employer maging ang karampatang bahagi ng employer sa SSS.
Mayroong employer-employee relationship kung mayroon ang mga sumusunod: 1) pami-mili at pagkuha sa empleyado; 2) pagbabayad ng sahod; 3) kapangyarihan na magtanggal sa trabaho; at 4) pagkakaroon ng kapangyarihan ng iyong employer upang kontrolin ang paraan kung paano isasagawa ng isang empleyado ang kanyang trabaho.
Samakatuwid, ang kawalan ng employment contract sa pagitan mo at ng iyong employer ay hindi nangangahulugan na hindi ka isang empleyado na kailangang gawing miyembro ng SSS. Ang hindi pagrerehistro sa iyo ng iyong employer sa SSS ay isang malinaw na paglabag ng iyong employer sa R.A. No. 8282. Hindi rin nila nagagampanan ang kanilang obligasyon na kuhanin at ihulog ang iyong kontribusyon sa SSS. Gayundin, hindi rin nila naibibigay rito ang kanilang bahagi sa iyong kontribusyon sa SSS bilang isang employer.
Dahil dito, maaaring mapatawan ang iyong employer ng kaparusahan ng pagbabayad ng multa ng hindi bababa sa limang libong piso (P5,000.00) ngunit hindi tataas sa dalawampung libong piso (P20,000.00) at pagkakakulong ng hindi bababa sa anim na taon at isang araw ngunit hindi lalampas sa labingdalawang taon (Section 28(e), RA 8282).
Atorni First
By Atty. Persida Acosta