SA NAGLILIYAB pang Scarborough isyu, isang bagay ang kapansin-pansin: kung sinu-sino na lang ang nagsasalita sa posisyon ng pamahalaan. Nariyan si Usec Abigail Valte, DFA Spokesman, DFA Secretary, Sec. Ricky Carandang, atbp. Napakaselan at sensitibo ang isyu na ‘di dapat ipagkatiwala ang pagsasalita sa mga walang muwang.
Malinaw na si Pangulong P-Noy ay ‘di hands-on o focused sa isyu. Karambola ang nilalabasan. We should decide for ourselves. Malaya na tayong bansa. ‘Di na tayo vassal ng Amerika o ng iba pang super-power.
Bumalangkas tayo ng karapat-dapat na posisyon at isang boses lang ang magsalita.
Nakalulungkot ang obserbasyon na si DFA Sec. Alberto del Rosario ay out-of-touch ‘di umano sa puno’t dulo ng isyu kaya pasemplang-semplang tayo. May edad na raw at dapat nang magpahinga. Kailangan sa DFA, isang matured at new blood na makabayan, may vision at kagitingan.
NPA JUSTICE. Sa mga kanayunan, ito ang kalasag ng dukhang inaapi ng mga mapagsamantala at makapangyarihan. Bakit hindi. Inagrabyado ka, magsumbong sa NPA at presto sa iyo ang hustisya. Mabilis. Walang lagay o red tape. Sa hustisya ng pamahalaan, kailangan munang tutubuan ka na ng lumot o maghintay hanggang katapusan ng daigdig. Kalungkot-lungkot ang katayuan ng ating justice system.
ANG ONE-WEEK series ng “Hitler’s Secret Science” ay napanood ko kamakailan sa SkyCable History Channel. Ang advanced na karunungan ng mga Aleman sa siyensya ay kamangha-mangha. Sa taong 1944, sila ang nagpasimula sa World War II ng missiles at rockets bago pa man lang maisip ito ng U.S. o Britain. Ang unang auto-pilot planes ay kanilang imbensiyon. Nauna lang ang U.S. sa pagperpekto ng atomic bomb. Sa isang concentration camp dinebelop ng mahigit 1,000 German scientists ang mga amazing war weapons. Sa intervention ng tadhana, ‘di nagamit ang mga weapons na ito para mabaligtad ang takbo ng World War II. Kung ‘di nagwagi ang Allies laban sa Germany, dito maaaring napasabog ang unang atomic bomb at hindi sa Japan. Ang mga Aleman ay may special genius sa science. Katunayan, isang captured German scientist ang nag-develop ng American atomic bomb. Kaysa kung anu-anong programa ng intriga at kabaklaan sa local channels, gugulin ninyo ang panonood sa History Channel.
SA MGA gourmet, tumutok sa Asian Food Channel ng SkyTV. 24-hour program featuring all kinds of Asian cuisine and recipes in cooking them. Very educational and entertaining. Nung ako’y bata pa, paborito kong karinderya ay kay Aling Heling. Hanggang ngayon, hinahanap-hanap ko ang kanyang lutong menudo, kesong puti, batchoy, tsokolate at tortang baboy. ‘Pag ako’y nagdarabog dahil ayaw ko ng ulam sa bahay, agad-agad akong inaabutan ng pera ng mahal kong Inay at pinatatakbo ako sa karinderya ni Aling Heling sa palengke. Apaw lagi ang customers kaya maghihintay pa ako ng maraming minuto. Nagtitiyaga ako kasi napakasarap. Napa-kasarap ding magluto ng Inay. ‘Pag ako’y uuwi ga-
ling Maynila, nakahanda na ang kilawing baboy, paksiw na pata at ginataang maliliit na hipon. Masarap din siyang magluto ng ginatang bituo. Kagaya ng pagkain ni Aling Heling, hinahanap ko pa ang luto ni Inay. Sa aking paglalakbay sa buong mundo, kung anu-ano nang pagkain ang natikman ko. Paborito ko’y steak, American steak lalo na kung luto sa New York or Houston. Sa ibang local delicacies, paborito ko ang kare-kare at afritada. Napakasarap magluto nito ang dating cook sa National Press Club at Ambos Mundos. ‘Yon lang, medyo preno na ako sa masasarap na pagkain. Tatlong dekada na akong nakikipagbuno sa diabetes. Strict diet lalo na kung nakabantay ang may-bahay. Tara na sa Food Channel.
BALIGTAD NA ang moralidad ng bagong lipunan. Dati-rati, ‘pag nabubuntisan ang isang anak na dalaga, itinatago at ikinahihiya. Ngayon binabandera pa. Bale-wala na rin kung ang isang lalaki ay maraming asawa. Badge of honor pa ito. Saan na papunta ang moralidad ng mundo? Sa U.S. legalized na ang pag-aasawahan ng dalawang lalaki. Masahol pa sa Sodom at Gomorrah. Ang kabaklaan ay dinadakila. Naghahalikang dalawang babae sa public places ay ‘di na pinupuna. Loose morality, pumapasada sa ating tanawin araw-araw. TV shows ay siksik ng malawaswang eksena. ‘Di tayo nababahala para sa ating mga anak. Naglipanang tabloids, puno ng mga hubo’t hubad na babae at lalaki. Wala tayong pakialam. Masama ring impluwensiya ang internet. Dapat rendahin ang kabataan sa panonood o pagbabasa ng malalaswang nilalaman. Saan na patungo ang daigdig natin?
TUNAY NA kakatwa tayong mga Pinoy. Tuwing last minute tayo nagkukumahog sa mga importanteng bagay. Ehemplo ay ang paggagawad ng National Artist award kay Dolphy. Kung kailan nagkasakit nang malubha, saka tayo magsisisihan kung bakit ‘di agad nabigyan ng kaukulang karangalan. Ang leksyon ay kumilos tayo agad at ’wag nang bahiran ng pulitika ang pagbibigay ng award. Ngayon pa lang pag-usapan na kung dapat bigyan ng National Artist for Sports Award si Caloy Loyzaga. Balita na may malubhang karamdaman sa Australia. Wala pang makapapantay sa basketball exploits ni Caloy. Siya ang captain ball ng Philippine team sa Brazil World Basketball Tournament nu’ng dekada ‘50. Ang ating koponan ay nanalo ng third place. Pag-isipan na rin kung karapat-dapat bigyan ng ganyang parangal si Manny Pacquiao. O baka napakaaga pa? Sa pelikulang tabing, nariyan si da-ting Pangulong Erap at posthumously si Fernando Poe, Jr.
ANG PANUNUKSO ng demonyo ay maraming kilos at mukha. Kalimitan ikaw ay tinatakot o kaya pinaalala ang mga nakalipas na kasalanan. ‘Pag minsan, pinag-iisip ka ng masama sa kapwa. Mga malalaswang panaginip binubuhos sa iyong pagtulog. Kailangang araw-araw ay pagtawag sa tulong ng Diyos. Sa Diyos lamang nakabubunot ng tapang at lakas. Kung hindi, maaalipin tayo ng iba’t ibang tukso at magkakasala.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez