Gaya ng dati, habang papalapit ang eleksyon sa 2016 ay dumarami ang lumalabas na kapalpakan ng Commission on Elections (COMELEC). Tila lagi na lang hindi handa at naghahabol ang COMELEC sa mga rekisitos ng isang eleksyon. Nasaan ba talaga ang problema rito? Hindi pa yata ako nakararanas sa buong buhay ko ng isang eleksyon na hindi nagkaaberya at namroblema ang COMELEC.
Nitong taon lang ay nagkaroon ng problema ang soft data ng biometrics ng mga botante sa pangangalaga ng COMELEC. Ang isyu ng premature campaign sa telebisyon ay hindi rin nila naresolba. Matagal nang problema ang premature campaign sa TV at pagiging hindi patas nito sa mga kandidato ngunit magpahanggang ngayon ay walang nagawa ang COMELEC dito.
Ngayon naman ay tila malulugi pa ang gobyerno ng aabot sa 3 bilyon piso dahil sa pinasok nitong kontrata sa Smartmatic para sa mga counting machines na kakailanganin sa eleksyon sa 2016. Natitiyak kong darami pa ang mga kapalpakan ng COMELEC habang papalapit ang botohan sa susunod na taon.
HINDI NAMAN naayos ng COMELEC ang gusot sa pagkakawala ng data para sa biometrics ng mga botante. Ang ginawa nila ay pinaulit lamang ng COMELEC ang pagpapakuha ng biometrics ng mga botanteng naapektuhan sa problema. Kaya lang ay hindi naman lahat ng mga botanteng apektado ay nakapagpakuha muli ng kanilang mga biometrics. Asahan na nating marami sa mga botanteng ito ang hindi makaboboto sa eleksyon at tiyak na katakut-takot na reklamo ang aabutin ng COMELEC.
Napakasimpleng bagay lang ang pagkuha at pagtago ng biometrics ng mga botante, pero bakit naging problema pa ito ng COMELEC. Kung sa simpleng bagay na ito ay nagkakaproblema ang COMELEC, papaano pa ang mga mas komplikadong bagay sa eleksyon?
Ang taong nag-sumite ng reklamo kay Sen. Grace Poe sa hukuman at maging sa COMELEC ay halata namang pakawala lamang ng isang grupo na may interes na manalao sa susunod na eleksyon. Lumang tugtugin na ito at malinaw na isang uri lang ito ng harassment sa senadora.
Bakit tila walang magawa ang COMELEC para patigilin ang demolition plot na ito? Wala nga ba silang magawa o nagbubulag-bulagan lang? Kung balido ang reklamo ng mamang ito, bakit hindi ito nakita ng COMELEC noong unang tumakbo para sa pagka-senador si Grace Poe? Hindi ba masusing pinag-aaralan ng COMELEC ang mga dokumentong isinusumite ng isang kandidato?
ANG ISYU ng premature campaign ay matagal nang reklamo ng mga kandidatong hindi mayayaman. Kaya nga sinasabi nilang ang pulitika ay para sa mga mayayaman lang dahil sa maraming hindi patas na gawain ang pinapayagan ng COMELEC na pumapabor sa mga mayayaman, may pera, maimpluwensya, at maraming padrino.
Mapanonood na natin ngayon sa telebisyon ang mga patalastas ng mga pulitikong nagpapahiwatig ng kanilang intensyong tumakbo sa isang mataas na puwesto sa gobyerno sa 2016 election. Ang simpleng tanong ay patas ba ang ganitong oportunidad para sa lahat ng nais kumandidato? Ang simpleng sagot ay hindi.
Ang COMELEC ay nagdiskuwalipika ng mga nanalong kandidato dahil lumabis umano ang kanilang ginasta sa eleksyon ayon sa itinatakda ng batas. Ang dating gobernador ng Laguna na si ER Ejercito ay nasampulan nito. Ngunit hindi ba nakaloloko na ginagawa ito ng gobyerno habang pinapayagan naman din ng COMELEC ang mga pulitikong makapangyarihan at may pera para maglabas ng mga premature campaign?
HINDI KO maunawaan na idinadahilan ng COMELEC na may karapatan ang kahit sino na maglabas ng mga ganitong uri ng patalastas sa TV habang hindi pa pumapasok ang itinakdang campaign period ng COMELEC. Kahit pagbali-baliktarin pa ang mundo ay malinaw na premature campaign ang ginagawa ng mga mayayamang pulitiko at ito ay isang uri ng hindi patas na opurtunidad para sa lahat ng kandidato. Pinapatunayan lamang ng ganitong kaganapan na ang pulitika ay para lamang sa mga mayayaman.
Maaari namang ipagbawal ang ganito kahit wala pang campaign period dahil ginagamit nga ang pera para makalamang sa mga walang pera. Daang milyon at umaabot pa sa bilyon ang pondong inilalabas ng mga pulitikong ito sa pagpapatalastas ng kanilang mga sarili sa TV. Tiyak na babawiin nila ang inilagak nilang pondo dahil kailangang kumita ang perang na-invest sa pulitika. Dito nagsisimula ang isang vicious cycle ng korapsyon sa gobyerno.
Isang kautusan lamang ang kailangang gawin ng COMELEC ngunit hindi nila magawa samantalang maliwanag ang kamalian sa umiiral na sistema ng premature campaign sa TV. Hindi naman ikamamatay o ikatatalo ng mga pulitikong nagpre-premature campaign sa TV kung hindi sila papayagan. Lalong hindi rin sila pinagkakaitan ng karapatan dahil ang nais nilang karapatan ay ang karapatang manlamang ng kapwa.
Habang hinahayaan ng COMELEC at ng gobyerno ang ganitong gawi ng premature campaign ay sasamantalahin ito ng mga ganid, magnanakaw, at masasamang pulitiko. Patunayan dapat ni PNoy ang kanyang tuwid na daan sa aspetong ito. Gawin niyang patas ang labanan sa pulitika at hindi pumapabor lamang sa mga may pera.
ANG HULING kapalpakan ay tila lugi tayo ng 3 bilyong piso sa kontratang papasukin na naman ng COMELEC sa Smartmatic. Ang mga PCOS machine na pinondohan natin nang bilyun-bilyong piso noong nakaraang 2010 presidential election ay hindi na magagamit dahil sira na agad. Ngayon ay magrerenta na lamang ng mga electronic counting machine para sa 2016 election. Tama ba ito? Hindi rin kasi umubra ang proposal ng COMELEC na highbred system of counting na pinaghalong manual at mechanical counting.
Sino ngayon ang lugi? Tayong mga nagbabayad ng buwis. Sayang na pera na sana ay iginugol na lang sa pagtulong sa mga mahihirap na pinapaasa lang ng maraming pulitiko tuwing eleksyon.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo