Samyo ng Ubas

SA PAGHAHANAP ko ng lumang libro sa attic, natagpuan ko sa balumbon ng lumang dyaryo ang anim na boteng grape wine na naalala kong dala ko mula sa U.S. nu’ng isang taon. Ewan ko kung bakit napunta rito ang grape wine. Inalog kong isa-isa at pinunasan ang mga agiw at gabok na nakabalot. Agad-agad kumislap ang ilang alaala.

Valley of Grapes ang taguri sa lugar na ‘yon ng Southern California. Ekta-ektaryang grape trees ang nakatanim at namumunga sa lahat ng araw ng taon. Bisita ako ng isang high school classmate na nanirahan doon. Siya ay may grape wine refinery. Ikinagalak ko ang tagumpay niya sa buhay: bahay na mansyon, 5 mamahaling sasakyan at investments sa bangko. Maligayang pamilya na pinagpala ng isang mabait na maybahay at anim na anak.

Sa pag-ikot ko sa kanyang farm, parang isang banal na inspirasyon ang sumagi sa aking isipan. Ito ang isang parable sa Banal na Aklat: “I am the Vine and My Father is the Vinedresser…” Ito at iba pang liwanag sa kaluluwa ang biglang kumislap sa aking pagkatao. Habang bawat variety ng ubas ay aking tinitikman, may kakaiba at mahiwagang tinig ang humuhuni sa aking kaluluwa. ‘Di ko makalimutang karanasan.

Nu’ng ako’y bata pa, bukod sa bagong sapatos at damit, ubas at mansanas ang hiniling ko sa Inay at Itay pagsapit ng Pasko. Ngunit dahil sa may kamahalan ng ubas, nakukuntento na lang ako sa mansanas.

Buong pagmamalaki kong ipapakita ang mansanas sa aking mga kalaro. ‘Di ko muna kakainin para ipakita muna sa aking kaeskuwela sa pasukan.

Isang Bisperas ng Pasko, ginising ako ng a-king Lolo Cito. Tingnan ko raw ang medyas ko sa may kainan at may sorpresa ako. Takbo, lundag. At bumulaga sa akin ang medyas na punung-puno ng ubas. Pinakamaligayang Pasko sa kabataan ko.

Isang dakot na alaala tungkol sa ubas. Sa iba, walang kabuluhan. Ngunit sa aking inosente pa ring puso, isang sakong kayamanan.

SAMUT-SAMOT

 

TATLONG LINGGO na akong namumrublema sa panaka-nakang paninikip ng dibdib. Ito’y nagsisimula ‘pag ako’y biglang kakapitan ng ‘di ko alam na takot. ‘Pag minsan, dala ng labis na pag-alala kahit sa maliit na problema. Gaya ng pagsakit ng tiyan ng apo ko. O gripong ayaw masarahan. Dulot din ito ng pagkabagot. Parusa ito sa mga senior citizens na idle sa bahay.

AYOS NAMAN ang ECG at 2-D Echo heart tests ko. Blood pressure araw-araw, normal. Ano kaya ang dahilan? Buti pa, iwasan nang magbasa ng medical internet at magazines. Kung anu-ano ang pumapasok sa isip. Buti pa nga kaya.

PALABO NA nang palabo ang diplomatic solutions sa Scarborough issue. ‘Di natitinag ang Tsina sa global pressure. Kahit kanino tayo magpalimos ng tulong, no takers. Mukhang pulubi tayo sa pagpapalimos sa U.S. at Britain.

NAGLIYAB SA poot si Sen. Miriam Defensor-Santiago sa kantiyaw ni Atty. Vitaliano Aguirre na ang una ay mag-undergo ng psychological test before umupo bilang justice sa International Court of Justice. Ayon kay Aguirre, tila may aberration ang senadora batay sa pinakitang pagmumura at pagwawala nu’ng nakaraang impeachment trial. Ginatungan ito ng salbaheng media na lubos na ikinagalit ng senadora. Bukod kay Aguirre, may isang grupo ng Pinoy sa U.S. ang nagrekomenda kay P-Noy na bawiin na ang pagtatalaga kay Santiago dahil magdudulot daw ito ng kahihiyan sa bansa. Salamat ‘di pumayag ang Pangulo.

MALIMIT ‘DI natin matarok ang kalooban ng Diyos. Nu’ng isang linggo, isang ina ang halos mamatay sa dalamhati dahil sa pagkalunod ng kanyang 3 anak na lalaki sa isang ilog sa Cebu. Nangyari ang sakuna ‘sang araw bago magbukas ang eskuwela. Handang-handa na ang tatlong nasawi sa pasukan, iyak ng inay. Napakasakit na pagsubok. Ngunit ‘yan ang kalooban ng Diyos.

PAPURIHAN SI dating CJ Renato Corona sa panawagan sa mga SC employees na suportahan ang susunod na Chief Justice. Very statesman. Salamat at natapos din ang madugo at divisive na impeachment trial. Kung anuman, may mga positibong resulta ito sa pagbabago ng judiciary at improvement ng justice delivery lalo na sa mahihirap. Hoodlums in robes must be weeded out to restore public faith in the judiciary.

PINANOOD KO sa Talk TV celebration ng Diamond Jubilee ni Britain’s Queen Elizabeth II. Super-bonggang pagdiriwang na dinaluhan ng mga lider ng mundo. Sumagi sa isip na ang mga royalties ng mayayamang bansa ay buong buhay na pinagpala: karangalan, kayamanan at kapangyarihan. Komportableng buhay, sagana sa lahat-lahat ng bagay. Samantala, milyun-milyong nilalang across the globe ay kinondena ng kapalaran sa buong buhay na gutom at kahirapan. Bakit ganito?

RENEWED DRIVE vs. jaywalking. Nakakaantok na pakulo na naman ng MMDA. Urong-sulong na kampanya. ‘Pag wala na sa media, tapos na. Ganito ang nakaiinis nating kultura. Ningas-kugon. Flash in the pan mentality. Kaya wala tayong asenso. Ano naman ang susunod na pakulo?

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articlePasanin na naman ng OFW!
Next articleMaling Spelling ng Pangalan sa Birth Certificate

No posts to display