KUNG SIYA’Y nabubuhay pa ngayon, “Pete” ang taguri sa kanya. Edad 16, matipunong katawan, singkit ang mata at malagong ang tinig. Sakristan siya sa isang liblib na parokya sa Patikul, Jolo. Walang nakaaalam kung buhay pa ang kanyang magulang, o may kapatid o kaanak pa siya.
Siya’y nanilbihan sa isang Jesuit missionary, ngalan ay Fr. Thomas Sales, isang Español. Sa parokya, marami pang ‘di binyagang Katoliko. Karamihan ay katutubo at Muslim na galit sa mga Kristiyano. Ngunit sila ang misyon ni Fr. Sales at Pete. Binyagan sa Katoliko at ikalat ang pangaral ng mahal na Hesukristo.
Napakahirap ng buhay sa parokya. Walang kuryente at malinis na maiinom na tubig. Nagkalat ang iba’t ibang sakit. ‘Pag tagtuyot lalo na. Karamihan sa katutubo, mga anito, kulto at imahe ng hayop ang karamihang sinasamba. Wala pa yatang dalawampu ang kaanib sa parokya.
Sa ganitong kapaligiran at kundisyon nakasalalay kay Fr. Sales at Pete ang tagumpay ng misyon.
Isang araw, tinangka nilang tumungo sa pinakaliblib na pook ng parokya na wala pang nakayayapak kahit isang Kristiyano. Binalaan sila na mapanganib ang patutunguhan. May mga tribong headhunter o namumugot ng ulo.
Ngunit dala ng tawag ng misyon, ‘di sila nagpasala. Nagtagumpay sila sa pagbibinyag ng mahigit sa sampung pamilya ng tribu kasama ang lalaking anak ng pinuno.
Subalit ikinagalit ito nang lubha ng pinuno ng tribu. Daglian silang ipinadakip. Sa ‘di nila pagsuko, sila ay hinabol sa isang pampang ng dagat. Dito ipinagtanggol ni Pete si Fr. Sales hanggang sinibat siya tagos sa kanyang puso. Pagkatapos, pinugutan ng ulo rin ang alagad ng Diyos at silang dalawa ay itinapon sa gitna ng dagat.
Mahigit na 364 taon na ang pangyayaring ito sa Guam. Isang pambihirang kabayanihan o martyrdom sa pananampalataya kay Hesus. Ngunit ito’y ‘di natangay kung saan ng napakahabang alon ng panahon. Tila ba may isang Makapangyarihang Kamay ang sumulat sa alon ng kasaysayan para ito’y buklatin ng ating henerasyon at ipamulat sa Kristiyano o ‘di Kristiyano ang kanilang martyrdom.
Nu’ng Oct. 21, 2012, iniluklok ng Simbahang Katoliko bilang santo si Beato Pedro Calungsod. Purihin ang Diyos!
SAMUT-SAMOT
ISANG MALIIT na hakbang simula ng isang malayong paglalakbay. Ganito ang paglalakbay sa mahabang landas ng kapayapaan. At gaano mang kaliit ng hakbang, dapat simulan. Kapuri-puri ang paglagda ng peace framework sa Bansamoro. ‘Di perpekto ang framework, maraming grey areas at marami pang masalimuot na kundisyon, subalit ang mahalaga ay nailatag na ito. Apatnapung taong digmaan ang naghari. Walang nanalo sa magkaaway na panig. Talo ang bayan. Libu-libong buhay ang nabuwis sa digmaang walang pangalan. Bigyan ng pagkakataon ang kapayapaan!
NAKASISIYANG BALIKAN ang alaala ng lumang pelikulang Tagalog starring Leopoldo Salcedo, Charito Solis, Mario Montenegro, Leroy Salvador at Pancho Magalona. Kaiba ang kultura ng kanilang mga pelikula: tungkol sa kabayanihan ng ating lahi, magandang asal, pagyayaman ng ating kalikasan. Bihira ang madudugong pelikula. Buong kabaligtaran ngayon. Ngayon ang karaniwang paksa ay kaliwaan, kabaklaan, tsimisan at intriga. Sinimulan ng “The Other Woman” at sinundan ng “The Mistress”. Mga pelikulang dinadakila ang adultery. Hubo sa kalidad ang iba pang uri ng pelikula. Madaliang gawin para madaliang kumita. Inutil ang Manila Film Festival. ‘Di nakatutulong sa pag-aangat ng uri ng ating pelikula. ‘Di kataka-taka na matagal nang comatose ang local fim industry.
PAGKARAAN NG mahabang panahon, nagsara na ang Newsweek magazine. Nu’ng dekada ’60, Newsweek at Time Magazines ang pinakapopular at mabibili sa buong mundo. Mga ito ang tinaguriang bibliya ng world information at analysis. Sa Newsweek tumanyag ang beteranong columnist kagaya ni Walter Lipman. Sinapawan ng internet on-line technology ang mga ito. Maaaring dumating ang panahon na magsasara na ang mga peryodiko. Puro on-line na lang dahil halos lahat na ng tao ay gagamit na lang ng laptop. Actually, may laptop “epidemic” na sa buong mundo. Kahit saan ka dumako, bata at matanda, may hawak na laptop.
DEPRESSION AY isa sa mga karaniwang sakit ng pagtanda. Napakahirap na sakit na walang ampat na lunas kundi ang will power ng maysakit. Dumanas na ako ng ganitong karamdaman. Labas-masok ako sa iba’t ibang ospital. Konsulta sa maraming mangagamot. Ang tanging naging lunas ay spiritual therapy. O ang pagbabalik-loob sa Diyos. Naging matagal na proseso. Umabot ng mahigit na sampung taon at hanggang ngayon ay bumabalik pa rin.
SA U.S. milyon ang mga taong may ganitong sakit. Kaya ang suicide incidence ay napakataas. Karaniwang biktima ay mga matatanda na iniwan ng kanilang anak sa home for the aged. Salamat sa ating kaiba ang kultura. Inaalagaan natin ang ating matatanda hanggang sa huling sandali. Meron si-lang family support na kailangan para mapaglabanan ang depresyon at physical afflictions. Wika nga ng ‘di iilan, napakasaklap ang mabuhay. Pinanganak kang umiyak na sanggol at mamatay kang tumataghoy na matanda.
VERY INNOVATIVE si MMDA Chairman Francis Tolentino. Eksperimento siya tuwina ng mga paraan para mapaghusay ang serbisyo. Ngunit tila nabibigo siya sa pag-aayos ng trapik. Walang ampat na solusyon ito kung ‘di daragdagan ang mga kalye at overpasses. Parami nang parami ang mga sasakyan. ‘Di nadaragdagan ang mga kalye. Paano malulutas ang grabeng trapik? Discipline ng komunidad ang kailangang-kailangan. ‘Di kayang lutasin lahat ng pamahalaan.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez