BUKOD SA pagiging comedy/drama director ni Wenn Deramas, naging stage actor din siya. Nag-cameo role sa pelikulang Tanging Ina 3 ni Ai-Ai delas Alas at ‘yun na ang naging ending ng pagiging actor ni Direk Wenn. Say niya,“Nang nakita ko ang itsura ko sa TV at pelikula sabi ko, hindi ito papasa. So, balik na lang ako sa pagiging director. Mahirap ‘yung idi-direk mo ang sarili mo. Ikaw ‘yung sisigaw na action, mukha kang tanga ‘yung ganu’n.”
Napaka-challenging ang dalawang character na ginagampanan ni Zanjoe Marudo bilang si Brandy (bading) at Brando (lalaki) sa Bromance. ‘Yung role ko magkaiba, hindi siya kukunan ng isang araw ‘yung isang character lang. Nandu’n ‘yung challenges na kung minsan hindi mo alam kung kakayanin kong gawin. Dahil nga nag-i-enjoy kaming lahat at excited akong gumawa ng mga eksena para matapos ‘yung buong pelikula habang dini-direk ako ni Direk Wenn, kung minsan may nabubuo kaming magandang eksena, may nadadagdag kami. Para nga hindi namin namalayan natapos na namin ang buong pelikula. Iba ang pakiramdam na kinaya ko pala, feeling ko kasi noon mahirap gawin, hindi pala,i-enjoy mo lang, ” tsika ni Z.
Ayon kay Direk Wenn, may eksena pala si Zanjoe sa swimming pool na nakikipaghalikan kay Carlo Romero, medyo asiwa nga ang actor na gawin ‘yun. “Alam naman nating tunay na lalaki si Z. May eksenang naglalambingan, naghahalikan na pareho silang hubad sa pool tapos, kailangan magyakapan. Alam ko maski papaano sa dibdib ni Zanjoe ibang dating ‘yun kaya du’n ko siya tinutulungan kahit po wala akong experience sa ganu’n du’n,” pabirong sabi ni Wenn D.
Kung sakaling may gay role uli na i-offer kay Zanjoe na straight drama, hindi kaya siya magdadalawang-isip na tanggapin ito? “Oo naman, tatanggapin ko kasi, ibang atake naman ‘yun, mas seryoso. Siyempre, maganda sa isang artista na iba’t ibang role na hindi ka mamimili. Ang ibig kong sabihin, gusto ng tao, gusto ng producer kesa naman gagawin mo ng isang beses tapos, hanggang du’n na lang. Para sa akin, mas gusto ko ganu’n ang mangyari, masundan pa uli.”
Oo nga’t marami ang nagpapatunay na tunay na lalaki si Zanjoe pero sa teaser ng kanyang pelikula, pagkakamalan mo siyang totoong beki. Sa kilos at galaw, pati pananalita nito’y pagdududahan mo ang kanyang pagkalalaki. Paliwanag ni Z, “Lumaki ako sa lugar na marami akong nakikitang bading. Sa tabi-tabi, marami akong nakikitang bading, pati sa kalye, may mga nagpa-practice para sumali for Ms. Gay. Hindi ako takot, bata palang ako pinapalibutan na ako ng mga bading. So, sanay ako, kaya alam ko ang kanilang mga kilos. May mga lalaking ilag sa bading, ‘di ba?”
Inamin ni Zanjoe may mga bading na nagkakagusto sa kanya pero nandu’n raw ‘yung takot na ipakita o iparamdam nila ‘yun sa kanya. “Wala…. kasi lagi naman akong may girlfriend kaya walang nagtangkang manligaw sa akin,” say niya.
Ngayong may solo movie na si Zanjoe, ano ang pakiramdam maging bida? “Nati-tense nga ako kasi nga, first movie ko ang Bromance, hindi ako sanay maging bida ng isang project. Siyempre, natutuwa ako, gusto kong maging humble. Pati damdamin ko nagsusumigaw na maging confident sa pelikulang ito dahil alam naming maganda ito,” simpleng sagot ng magaling na actor na si Z.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield