Magiliw at sanay na sanay makiharap sa tao ang anak ni Ai-Ai delas Alas na si Sancho delas Alas. Mukhang namana niya ang magandang PR na meron ang kanyang ina.
Nakaharap namin sa pictorial ng pelikulang “Area” kamakailan ang baguhang aktor at napansin namin na magaan at marunong siyang makihalubilo sa mga tao. Magalang pa ito kapag nakatatanda ang kanyang mga nakakausap. Masasabi namin tuloy na maganda ang pagpapalaki sa kanya ng komedyanteng ina.
Sayang nga lamang at hindi kami nagkaroon ng pagkakataon na mainterbyu siya dahil nu’ng dumating kami sa pictorial ay eksakto namang papaalis na siya.
Anyway, isa siya sa mga mapalad na artista na kasama sa pelikulang “Area” na pinagbibidahan ng kanyang mother dear. Hindi na bago kay Sancho ang pag-arte dahil may mga ilan na rin siyang teleseryeng nilabasan. Sabi nga ng direktor ng pelikula na si Louie Ignacio, hindi siya nahirapan sa kanyang mga artistang nagsipagganap na lahat daw ay magagaling at kabilang nga roon si Sancho.
Proud daw ang binata sa natapos nilang pelikula at hangang-hanga raw siya sa ipinamalas na pag-arte ng kaniyang ina sabi ng isa sa mga producer ng pelikula na aming nakausap.
NAGING MATAGUMPAY ang katatapos na awards night noong Linggo ng Cinemalaya Independent Film Festival na ginanap sa CCP Theatre. Hanggang ngayon ay usap-usapan pa rin ang pagkakapanalo ng baguhang si Hasmine Killip ng pelikulang “Pamilya Ordinaryo” bilang Best Actress laban kina Nora Aunor at Judy Ann Santos na sinasabing mahigpit na magkalaban sa naturang kategorya.
Tinanghal namang Best Actor si Tommy Abuel para sa pelikulang “Dagsin” habang nag-tie naman sina Jun Urbano, Leo Rialp, Lou Veloso, at Nanding Josef sa Best Supporting Actor para sa kanilang pelikulang “Hiblang Abo”.
Nag-share din ng trophy para sa Best supporting Actress sina Lolli Mara ng pelikulang “Ang Bagong Pamilya ni Ponching” at Elizabeth Oropesa para sa “I America”. Ang pelikula namang “Pamilya Ordinaryo” ang nanalong Best Picture.
Rodel Fernando
by Rod’s Nest