ISA SA mga maiinit na isyu ngayon ang usaping pagpapalit ng pangalan ng mga makasaysayang lugar dito sa Pilipinas. Hindi na naman tayo bago sa lumang estilo ng pamumulitikang ito ngunit may mga pagkakataong hindi na tayo makatitiis pa sa isang uri ng pag-abuso sa kapangyarihang ito. Ang balak na pagpapalit, halimbawa, ng titulong North Luzon Expressway (NLEX) sa Corazon Aquino Expressway at Epifanio Delos Satos Avenue (EDSA) sa Corazon Aquino Avenue, ay lubos na nakatawag na negatibong reaksyon mula sa taong bayan.
Ang Ninoy Aquino International Airport at Ninoy Aquino Parks and Wildlife ay mga lugar na dating iba ang pangalan, ngunit pinalitan sa pangalang Ninoy Aquino noong panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Cory Aquino. Ngayon ay halos hindi na mabilang ang mga lugar na pinangalanang Corazon Aquino o Cory sa maraming lugar dito sa Pilipinas.
Tama ba na punuin ng pangalan ng iisang tao ang iba’t ibang lugar dito sa Pilipinas? Hindi siguro masama na parangalan ang dating pangulo at tinaguriang icon of democracy na si Pangulong Cory Aquino, sa pamamagitan ng paggamit sa kanyang pangalan sa isang makasaysayang lugar, ngunit tila sumobra naman yata ang paggamit sa pangalang ito. Gaya nga ng isang kasabihan, “ang anumang sobra ay masama!”
SI SENATOR Miriam Defensor-Santiago ay nagpapanukala ngayon ng batas na pumipigil sa pagpapalit ng pangalan ng isang lugar sa pangalan ng isang pulitiko. Hindi naniniwala ang senadora sa mga adhikain ng ganitong uri ng pagpapalit ng mga pangalan ng mga makasaysayang lugar. Para kay Santiago, ginagamit lamang ng mga nakaupo sa puwesto ang oportunidad na ito para sa kanilang pansariling pagnanais.
Isang uri ito ng pangangampanya ng isang pamilya upang tumatak sa isip ng mga tao ang kanilang pangalan at maging puhunan nila sa mga darating pang eleksyon para sa kanilang kapamilya at kaanak. Kaya naging tila pag-aari na ng ilang mga trapo (traditional politicians) ang pulitika sa bansa ay dahil sa ganitong estilo. Mapapansin natin na iilang pamilya at pangalan lamang ang naglalaban-laban sa tuwing sasapit ang eleksyon.
Sa batas na ipinapanukala ni Santiago ay hindi na maaaring baguhin ang pangalan ng isang lugar. Hindi na rin maaaring gumamit ng pangalan ng isang pulitiko sa ipatatayong mga pampublikong gusali. Itinuturing ng senadora na isa itong uri ng korapsyon sa Pilipinas, kaya dapat na itong magwakas.
MATAGAL NANG ginagamit ito ng mga pulitiko sa bansa upang maging makinarya nila sa pagpapatibay ng kani-kanilang dinastiya. Mga paaralan, kalsada, at gusali ang madalas na gamitin para sa pagsasapangalan ng kanilang apelyido. Batay sa isang pagsasaliksik ay hindi bababa sa 20 paaralan ang nakapangalan ngayon kay dating pangulong Corazon Aquino.
Nakita kaya ni Pangulong Noynoy Aquino na isang uri na ng pag-aabuso sa kapangyarihan ang pagsasapangalan ng maraming lugar sa Pilipinas gamit ang pangalan ng kanyang mga magulang? Hindi naman matuwid ang ganitong gawain. Kahit pa siguro sabihin niyang hindi naman siya ang nag-uutos o nagpapatupad nito ay siya rin naman ang pumipirma sa batas sa bandang huli ng proseso nito.
Pagkagahaman na maituturing kung ang iisang pangalang ‘Aquino’ lamang ang lalantad sa ating mga mata kung tayo ay iikot sa buong bansa. Ano ang karapatan ng mga Aquino para ipangalan sa kanila ang maraming lugar dito sa Pilipinas? Tandaan nating marami rin tayong mga bayani na nagbuwis ng kanilang buhay ngunit isa o dalawang beses lamang ginamit ang kanilang pangalan bilang respeto at pagkilala sa mga ito.
KAPAG LUMAON at hindi napatigil ang ganitong pagpapalit ng mga pangalan ng pulitiko sa mga makasaysayang lugar ay magiging malaking banta ito sa ating kasaysayan. Mabubura ang esensya ng kanilang mga ambag sa pagpapaunlad ng Pilipinas. Malilimutan ang kanilang kabayanihan dahil malilimutan din ang kanilang pangalan.
Iilan na lang ba ang may kakilala kay Epifanio Delos Santos? Kung tuluyang papalitan ang Edsa sa pangalang Corazon Aquino, dahil umano ay rito nangyari ang People Power 1, lalong mabubura na sa isipan ng mga kabataan ang alaala ni Epifanio Delos Santos at kontribusyon niya sa ating kasaysayan.
Hindi naman na kailangang ipangalan kay dating Pangulong Cory ang Edsa para hindi makalimutan ng tao ang makasaysayang People Power 1 sa Edsa, dahil maraming mga palatandaan para rito gaya ng People Power Monument sa Edsa-Ortigas at ang higanteng Our Lady of Edsa Shrine sa kanto ng Ortigas Avenue at Edsa.
ANG TUNAY na tuwid at malinis na panunungkulan ay hindi nag-aabuso sa kapangyarihan sa maraming aspeto gaya ng pagpapangalan sa maraming lugar gamit ang ngalan ng ama’t ina ni PNoy.
Dapat nating bantayan ang galaw ng mga nakapaligid kay PNoy dahil inaabuso nila ang kanilang kapangyarihan bilang mga mambabatas para sa kanilang sariling ambisyon. Baka magulat na lang tayo na pati si Kris Aquino, kapatid ni PNoy, ay maipalangan na rin sa ilang mahahalagang lugar sa bansa. Hindi siguro magandang pakinggan ang magiging acronym kung ang South Luzon Expressway o SLEX ay magiging Kris Aquino South Expressway!
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo