ISA SA pinakaborito kong karakter noong bata pa ako ay si Santa Claus. Naalala ko pa nga ang pagsabit ng medyas sa Christmas tree. Sa tuwing ako rin ay gumuguhit ng bahay, hindi mawawala ang chimney, kasi alam kong doon ang dadaluyan ng regalo na ibibigay ni Santa Claus. Naniniwala rin ako na p’wede tayong tumawa ng “Hahaha”, “Hehehe”, “Hihihi”, pero ang “Hohoho” ay para lang kay Santa Claus. Trademark niya iyon! Kanyang-kanya lang, walang makaaagaw. Pero gaya ng una kong sinabi, siya ang paborito kong karakter noong bata pa ako. Kasi ibang Santa Claus na ang kilala ko ngayon.
Kasi ang kilala kong Santa Claus ay hindi ‘yung Santa Claus na paaasahin kang gumising ng madaling-araw kahihintay sa kanya, pero wala naman talaga. Hindi rin ‘yung magsasabit ako ng medyas para maghintay ng regalo mula sa kanya, pero sa katunayan, mga magulang ko naman ang naglalagay ng regalo sa medyas at hindi siya. Hindi ganoon si Santa Claus. Para lang siyang cartoon character na hindi naman talaga nag-e-exist.
Wala naman talagang tao na ‘sing haba ng balbas niya ang kanyang white long curly hair. Ang kati kaya n’un! Wala ring tao ang mag-iikot sa bahay-bahay suot-suot ang long sleeves na kulay red, may bota pa, at may sumbrero pa. Sa Pilipinas pa nga lang, ang init-init kaya! Ngayon nga, bumabagyo pa, baha na nga, makagagala ka pa ba?
Para sa akin, ang nakasanayan nating Santa Claus, noong tayo ay mga bata pa, nag-iba na. Version 2.0 na si Santa Claus ngayon. Gusto n’yo ba silang makilala? Oo, tama, sila nga. Dahil hindi lang iisa si Santa Claus, marami pa sila. Subukan mong lumingun-lingon sa paligid, dahil baka nga ‘yung katabi mo si Santa Claus na ‘yan.
Ang Santa Claus ng buhay natin ay puwedeng mga magulang natin na handang ibigay ang lahat para sa atin. ‘Yung ‘di bale nang walang matira sa kanila basta lahat ng pangangailangan ng anak ay dapat maibigay. P’wede ring si Santa Claus ang mga taong nagpapangiti, nagpapasaya, at mga taong laging nandiyan para sa atin at hindi ka iiwan. Sila ang ating mga kamag-anak, kaibigan, guro, at marami pang iba. Ang Santa Claus ng buhay natin ay hindi ‘yung sumusulpot lang sa isang buwan sa isang taon. Ang Santa Claus ng buhay natin ay araw-araw nating nakasasama, nakagabay, at nagmamahal sa atin.
‘Yan si Santa Claus version 2.0. Ikaw, ako, tayo, lahat tayo, p’wedeng maging Santa Claus. Hindi rin kinakailangang maghintay pa ng Pasko para maging si Santa Claus. Kaya mga bagets, huwag malungkot kung hindi n’yo man nakita si Santa Claus na inaakala niyo noong bata pa kayo, dahil totoong may Santa Claus, at ‘yan ang mga mahal mo sa buhay. Sa katunayan, kahit ikaw mismo ay ‘pwedeng maging Santa Claus, basta magmahal ka lang nang tunay sa kapwa.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo