Hindi na nga maawat ang pag-usok sa ratings ng May Bukas Pa. Marami na ang na-in love kay Santino kaya naman tinatalo na nito ang Zorro ayon sa AGB Mega Manila ratings, at halos pumapalo naman ito ng 40 percent sa nationwide ratings ng TNS. Ngayon nga, ang Comedy King na si Dolphy pa ang kanilang special guest na gaganap na ama ni Vhong Navarro na naiwan sa loob ng Home for the Aged. Nakakaantig ang trailer nila kaya naman kaabang-abang talaga ang pagbabalik na ito ni Tito Dolphy sa primetime.
Pero mukhang panalo rin si Santino dahil kahapon, August 10, pumirma na ng kontrata sa Star Records ang bida ng Primetime si Zaijian Jaranilla o mas kilala bilang si Santino. Isang album ang gagawin ni Zaijian sa Star Records at ang album na ito ay parang prayer album kung saan maririnig ang mga teachings ni Bro. Kagandahang asal, mga aral sa bibliya at mabuting pag-uugali ang ilan lang sa mga ire-record ni Zaijian kaya tamang-tama ang album na ito para sa mga tsikiting. May mga kanta rin daw silang isasama sa album, pero higit sa lahat, matututo raw ang mga bata sa tamang pagdarasal dahil isa ‘yan sa mga highlight ng gagawing album. Nilinaw naman ng Star Records na hindi purely gospel album ang gagawin ni Santino. Pero dahil sa impact ng May Bukas Pa sa milyong-milyong Pilipino, e, may touch of religiosity na rin daw ang album.
Hindi lang si Santino ang pumirma ng kontrata, pati si Rhap Salazar, ang kasabayan ni Charice Pempengco sa Little Big Star at grand over-all champion sa kakatapos lang na WCOPA na ginanap sa USA, ay pumirma na rin ng isang album contract under Star Records. May finalized concept na raw sila pero hindi pa puwedeng i-reveal para may element naman daw ng surprise. Pero say ng aming source, bongga daw ang album na gagawin ni Rhap dahil kung namamangha daw tayo sa kanyang mala-Regine na boses sa tuwing kakanta ito sa ASAP,e, pihadong ibang level daw ang album na gagawin ni Rhap. Matagal na pangarap na nga ito ni Rhap kaya malaking milestone ito para sa kanya at sa kanyang pamilya na nakita naming excited talaga sa tinatakbo ng karera ngayon ng kanilang anak.
Parehong August-September ang target launch date ng mga albums nila Rhap at Santino. Kaya makaasa tayong may mga bongga album launches na magaganap sa ASAP o sa ABS-CBN. Ang bongga ng Star Records, ha! Pero pansin lang namin, puros mga bata ang bumebenta ngayon at medyo na-e-etsapuwera na ang mga matatanda. Ganu’n na ba ang takbo ngayon?
Saka sa kaso naman kaya ni Rhap, maging mag-bestfriend pa kaya sila ni Charice kung saka-sakaling maungusan na ni Rhap ang album sales ng kanyang bestfriend? Naku ha, intriga ‘yan! Wait and see tayo!