NASUNUGAN ANG BGY. Bagong Pag-asa! Huh? Totoo ba ‘yan? Eh, wala naman kaming napapanood sa May Bukas Pa na nasunog ang Bgy. Bagong Pag-asa, ah?
Sa naturang teleserye, walang eksenang nasunugan ang Bgy. Bagong Pag-asa, pero sa tunay na buhay, merong Bgy. Bagong Pag-asa sa Quezon City, malapit sa SM West.
May 400 pamilya ang nasunugan dito. Dahil walang suplay ng kuryente, nag-ugat ang sunog sa isang gasera, kaya ang mga kababayan natin ay nagtitiyaga na lamang na matulog sa nasunog nilang puwesto na kinatayuan ng kanilang bahay habang ang iba naman ay nakahimpil sa eskuwelahan.
Kaya naman ang Sagip Kapamilya ng ABS-CBN ay humingi ng suporta sa buong cast ng May Bukas Pa na mag-donate ng pagkain, lumang damit o cash para maipantawid ng mga residenteng naapektuhan.
Nu’ng nakaraang Monday, mismong si Zaijian Jaranilla na mas kilala bilang si Santino ay nagtungo roon kasama sina Tonton Gutierrez, Albert Martinez, Ogie Diaz, Lito Pimentel, Dominic Ochoa at iba pang gumanap na pari ay namahagi ng mga goods sa mga residente at nagpameryenda kasama ang mga barangay officials at mga tanod.
Grabe ang tilian. Hindi magkamayaw ang mga tao, lalo na kay Santino na lahat ng bata ay gusto siyang hawakan at tila santo ang tingin sa kanya, kaya naman kahit sandali, sumilay ang ngiti sa kanilang mga mukha, dahil dinalaw sila ng cast ng May Bukas Pa.
Ang hiling pa ng mga residente, “Sana, me magregalo sa amin kahit plastik na puwede naming gawing bubong at mga karton na puwede naming gawing sahig pansamantala.
“Umaraw o umulan, apektado kami, lalo na ang mga bata,” sabi pa ng isang ginang na nakausap namin.
Habang may buhay, may pag-asa. At ‘wag mawawalan ng pag-asa, dahil laging May Bukas Pa.
Parazzi Chikka
by Ogie Diaz
Click to enlarge.