ANG KAHULUGAN ng katagang “santo subito” ay gawing santo ang isang tao sa lalong madaling panahon. Ito ang sigaw ng mga tao noon sa Vatican City nang pumanaw ang state leader at Santo Papa ng simbahang Katolika.
Sino ba ang makalilimot sa dating Santo Papa na si John Paul II na dalawang ulit bumisita sa Pilipinas noong 1981 at 1995? Ang Pilipinas nga raw ang isa sa paboritong bansang puntahan ng Santo Papa. Bukod sa mainit na pagtanggap at mapagmahal na kulturang Pinoy ay ang Pilipinas din ang natatanging Kristiyanong bansa sa Asia na may 80% miyembrong Katoliko.
Ngayong naging ganap na Santo na si Pope John Paul II, malaking bagay ito sa mga Pilipino dahil sa naging bahagi ang bansang ito sa buhay bilang Santo Papa ni John Paul II at naging bahagi rin siya ng ating kasaysayan bilang isang bansa.
Ang artikulong ito ay tatalakay sa kabilaang koneksyon at impluwensya ng isang tao sa bansa at ng isang bansa sa tao.
ANG UNANG pagbisita ni Pope John Paul II sa Pilipinas noong 1981 ay naging dahilan para alisin ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Martial Law na kanyang ipinatupad noong 1972. Maraming Pilipino ang nagdusa sa Batas Militar. Ang mga lider ng iba’t ibang grupong nagproprotesta laban sa rehimeng Marcos ay lihim na pinahirapan at pinagpapapatay.
Maging ang bayaning si Ninoy Aquino na ama ng kasalukuyang Pangulo ay naging biktima rin ng malupit na sistema ng Martial Law sa Pilipinas. Si Ninoy ay matagal na ikinulong sa Fort Bonifacio sa ilalim ng Martial Law at nahatulan din ng bitay sa proseso ng tinatawag na isang martial court.
Ang dating First Lady Imelda Marcos ay malapit sa simbahang Katolika. Malapit din ito sa dating kardinal na si Jaime Cardinal Sin. Nang malaman ni Imelda Marcos na bibisita si Pope John Paul II sa Pilipinas ay hinimok niya ang kanyang asawa na si Ferdinand Marcos na ibaba na ang pagpapatupad ng Martial Law. Dahil dito ay tinanggal na nang tuluyan ni Marcos ang Martial Law.
SI POPE John Paul II ay dating naging bahagi ng isang rebolusyong lumaban sa maling pamamalakad sa kanyang bansa bilang isang sundalo. Tinutulan din niya ang isang diktaduryang pamamaraan ng pamamahala. Ito marahil ang nagtulak kay Imelda Marcos para himukin si Marcos na alisin ang Martial Law.
Ito rin ang nagbigay ng lakas ng loob sa mga Pilipino na magprotesta laban sa diktaduryang Marcos. Dahil sa pagkakatanggal ng Martial Law ay nagkaroon ang mga Pilipino ng pagkakataong muling bumalik sa lansangan para magprotesta.
Makaraan ang dalawang taon pagkatapos bumisita ni Pope John Paul II sa Pilipinas, lalong sumiklab ang protesta nang patayin si Ninoy Aquino sa paliparan nang magtangka itong bumalik sa bansa sa kabila ng mga banta sa kanyang buhay.
Ang mga protestang ito ay humantong sa pagtatawag ni Ferdinand Marcos ng isang snap election para patunayan sa international community na siya pa rin ang nais ng mga taong maging pinuno ng bansa. Muling ginamit ni Marcos ang karahasan para makapang-daya sa eleksyon ngunit siya ay nabigo.
Ang kinalabasan ng mga protestang ito ay ang tagumpay ng mga Pilipino na makamit ang isang bagong kalayaan at demokrasya.
Ang sabi ng mga dalubhasa sa iba’t ibang larangan ay nagaganap ang isang bagay base sa kung papaano ito naapektuhan ng isa pang bagay o isang chain na tinatawag na cause and effect. Kung iisipin ay ang pagbisita ni Pope John Paul II ang naging simula ng lahat ng ito para makamit natin ang demokrasyang tinatamasa natin ngayon. Ito ang malaking epekto ng isang tao sa ating kasaysayan bilang isang demokratiko at malayang bansa ngayon.
MARAHIL AY may binago rin ang ating kultura kay Pope John Paul II sa pangalawang beses na pagbisita niya sa Pilipinas. Dumagsa ang mga tao sa Luneta kung saan idinaos ang Word Youth Day noong 1995. Sa pagkakataong ito ay naitala ang pinakamalaking pagtitipon ng tao sa buong mundo. Nagpapakita lamang ito ng antas ng pagiging Kristiyanong Katoliko ng mga Pilipino.
Marahil ay dito tayo minahal ng Santo Papa. Dito natin nabigyan ng isang natatanging kahulugan ang pananampalatayang Pilipino para sa mga mata ng Santo Papa. Ang kakaibang init ng ating pananampalaya at buhay na paniniwala kay Kristo ang marahil mas nagpalalim sa talino, pagkatao at pananampalataya ni Pope John Paul II.
Maraming mga kulturang simbahan ang nagpapatunay ng malalim na paniniwala ng mga Pilipino sa Diyos. Ang pista ng Itim na Nazareno ay isa na rito. Marami mang nagsasabing isang maling pananampalataya ito ay pinatutunayan naman nito ang pagiging isa ng mga Pilipino bilang bansa at kultura. Mas nagbibigay ito ng kahulugan sa ating buhay ay paniniwala.
Nawa ay magkaroon tayo ng mas malalim na gamit sa ating relihiyon at ito’y gamitin natin sa ating pakikipamuhay araw-araw. Gaya ni Pope John Paul II na bukod sa naging lider ng simbahang Katolika ay naging inspirasyon ng marami para gumawa nang tama.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo