TIYAK NA mami-miss ng kanyang mga fans kung totoong malapit nang mamaalam sa ere ang Sarah G. Live! dahil ito diumano ay nakatakda nang palitan ng pagbabalik ng Pilipinas Got Talent nina Luis Manzano at Billy Crawford.
Ito pa naman ang pinanonood ng mga anak ko bago matulog, lalo na ‘yung second daughter ko na nangulit pa noon na manood ng concert kami ni Sarah, kaya ayun, enjoy na enjoy naman ang bata nu’ng pinagbigyan namin.
Anyway, kung totoo mang magpapaalam na sa ere ang show ng young superstar ay ganon naman talaga. Walang permanente sa mundo. Saka ang alam namin, magko-concentrate siya sa movie nila ni John Lloyd Cruz at malay natin kung babalik si Sarah sa ASAP 18.
Let’s wait and see. Baka biglang magkaroon ng changes. Kung mananatili pa rin ang show, sorry po kung mali ang balita ko.
NAPANOOD NA namin ang buong isang linggong episode ng Juan dela Cruz sa SM Megamall nu’ng Sabado, at kami na ang magsasabi: you shouldn’t miss this!
Para na nga kaming mali-mali sa kasasabi ng, “Ang ganda ng movie!” dahil nakakalimutan naming teleserye pala ang pinanood namin at hindi pelikula. Kasi naman, pampelikula talaga ang pagkakagawa. Ginastusan talaga. Promise.
Sabi nga namin sa Business Unit Head na si Deo Endrinal, iniangat na naman nila ang level sa paggawa ng teleseryes.
Sila rin ang gumagawa ng problema, dahil sila-sila mismong nasa production team ang mag-iisip kung paano ngayon mapapantayan o maungusan ang production values ng Juan dela Cruz.
Sineng-sine ang pagkakagawa at pati texture ng teleserye, para kang nanonood ng pelikula.
Para mas maintindihan n’yo ang aming OA na pagpupuri, panoorin n’yo na lang tonite after TV Patrol.
AT DAHIL napanood namin ang JDC, nako, irerekomenda namin ito sa mga kapwa parents namin na hikayatin ang mga anak na manood nito bago matulog, dahil punum-puno ng values ang puwedeng mapulot dito.
Tama si Father Cito na, “Hindi importante kung saan ka nanggaling. Ang importante ay kung saan ka papunta.”
At ang sabi pa niya sa batang si Coco, “Ikaw ang gagawa ng kung ano ang gusto mong maging.” ‘Kala nga namin, nanonood kami ng Ten Commandments, eh. Pero sapul na sapul sa puso, panoorin n’yo.
Sabi nga ni Coco, “‘Yun, o!”
Oh My G!
by Ogie Diaz