NAKAKATUWANG HINDI dahilan ang ulan sa napakarami para mapanood lang ang Maybe This Time na patuloy na pinipilahan ng mga Pilipino. Sa twitter nga ay lumabas nang naka-P20M ang gross nito sa first day pa lang.
At dahil naka-P20M na agad ito sa first screening pa lang nu’ng first day, ang projection ngayon ng Star Cinema ay malamang tumuntong ang gross ng P300M just like Bride For Rent ng Kim Chiu at Xian Lim.
Nako, sana nga, ‘no? Para tuluy-tuloy naman ang pamamayagpag ng mga Pelikulang Pilipino sa kamalayan ng mga manonood.
Kabi-kabila rin ang block screening na nagaganap na ino-organize ng kani-kaniyang hukbong sandatahang lakas ng mga tagahanga ni Coco Martin at ni Sarah Geronimo, kaya nalolokah rin kami sa mga imbitasyon ng iba’t ibang grupo sa amin sa kanilang block screening. Eh, siyempre, kaya naman kami ini-invite eh, dahil ka-join kami sa pelikula.
At sobrang thankful kami, dahil nadamay na rin kami sa mga papuri kina Coco at Sarah, hehehe! Salamat naman at nagustuhan nila ang presensiya ko sa pelikula.
Sobrang thankful kami kay Direk Jerry Lopez Sineneng na naging bukas ang isip sa mga suggestions namin sa ilang eksena para mas nakaaaliw at in fairness, click na click naman sa panlasa ng audience.
Kaya ‘wag na kayong ma-shock kung mag-a-apply na kami sa Star Cinema bilang “inputer”. Meron bang gano’ng work? ‘Yung nagsa-suggest lang ng bonggang eksena o dayalog as in nagsa-suggest ka lang ng input, tapos, ang tawag na du’n ay “inputer”?
Hahahaha! Para akong minumura, palagay n’yo? Anyway, ‘di bale na nga lang at aarte na lang kami. Hahahaha!
BUKOD SA mga kaibigan at ka-FB na nag-congratulate sa amin sa success sa takilya ng Maybe This Time, pinakaimportante talaga sa aming “pagbati” ay ‘yung galing sa aming mga anak na bilib na bilib sa tatay nila.
Kasama ko sila sa premiere night at pagkatapos nga no’n ay may kani-kanya silang kuwento tungkol sa naobserbahan nila sa mga kasama nilang nanood tungkol sa aming performance.
Sabi nga namin sa isang post sa FB, hayaan n’yo nang magbuhat ako ng bangko sa pagkakataong ang mga anak ko ay proud na proud sa akin. Ako naman ang nakaupo sa bangko, eh. Eh, apat naman ang paa ng bangko. Tag-iisa ang mga anak ko sa pagbubuhat habang ang tatay nila ang nakaupo.
Sabi ko nga rin, wala na kaming pakialam kung makornihan pa ‘yung iba sa character ko at sa mga kagagahan ko sa pelikula, basta para sa akin, musika sa tenga ko ang mga papuri mula sa mga anak ko.
Kaya mga anak, dahil diyan, tuloy ang pag-aaral n’yo!
Charot! Hahahahaha! Love you, mga anak!
Oh My G!
by Ogie Diaz