MASAMA ANG LOOB ni Sarah Geronimo sa producers ng show nila sa Japan. Hindi nakarating ang Pop Princess sa naturang event dahil hindi sila nakalusot sa Japan immigration sa kakulangan ng papeles. On Sarah’s end, kumpleto naman daw sila ng dokumento, pero responsibilidad pa rin daw ng producer na ayusin ang lahat sa talents na kinukuha nila, especially show nga ito sa abroad.
Ang ikinalulungkot pa ni Sarah, marami raw kababayan natin ang umasang mapapanood siya. At nagmukha siyang ‘nega’ dahil sa no-show nga siya. Of course, knowing Sarah, ayaw na ayaw talaga nitong nadidismaya ang mga fans niya sa kanya. Kaya nga laging sold-out ang anumang shows at concerts niya.
Anyway, sa nangyayaring rigodon ng mga talents, especially from ASAP XV at Party Pilipinas, mukhang malabong mag-ober da bakod ang Pop Princess. May sisimulan na rin kasi siyang TV series sa ABS-CBN. At dagdag na text pa ng isang taga-Viva, “As of now, imposible ‘yon.”
Pero how true na nagpaalam na si Rachelle Ann Go kay Sarah sa paglipat nito sa GMA-7?
Actually, ayaw sagutin ni Sarah ang anumang tungkol sa isyu ngayon kay Rachelle. Respeto nga naman sa co-Viva talent niya kung anuman ang napag-uusapan nila. At tama lang din na mismong kay Rachelle manggaling ang kumpirmasyon.
MAY NAKARATING NA agad na sumbong sa amin tungkol uli rito sa all-female group na Posh Girls. Masyado raw pasaway ang mga baguhang ito. Sa nakaraang mall shows daw ng singer na si Myrus Ramirez kung saan kasama rin ang Posh Girls, ini-insist daw ng mga ito na paunahin munang pakantahin si Myrus at susunod na lang sila.
“E, paano mangyayari ‘yon, sila nga ang front act ni Myrus. Kailan pa nangyari na nahuli ang front act? Kaya nga tinawag na front act, ‘no!” sey pa ng production staff na saksi sa pagiging pasaway ng Posh Girls.
At nang hindi raw mapagbigyan ang gusto ng mga ito, pinagkakain na lang daw ang foods na para sana ay para sa lahat ng involved sa show. Itinago pa raw ng mga ito ang ibang pagkain. Kaya ang ending, nang kakain na sina Myrus at ibang staff, wala nang food silang nakita.
Hmmm… na-curious tuloy kami sa grupong ito. Kaya mga kamerang-gala… ready, get set… shoot!
BALITANG LILIPAT NA rin daw si Iya Villania sa Party Pilipinas. Kung totoo, tila very aggressive ngayon ang GMA-7 na ‘bawiin’ ang mga dati nilang talents. Nakabalik na si Mark Bautista, at balitang-balita naman ang napipintong pag-ober da bakod ni Rachelle Ann Go.
Unang napanood si Iya sa teen-oriented show na Click ng Kapuso, remember? Nabigyan ng magandang exposure sa Wowowee, ASAP, at ilan pang shows sa ABS-CBN. Isa rin si Iya sa hosts ng Us Girls sa Studio 23 together with Angel Aquino and Chesca Garcia. May existing contract pa raw si Iya sa ABS-CBN, a source also told us.
Pero kung totoo mang lilipat na si Iya sa GMA TV network, sure naman kaming mabibigyan din siya ng magandang exposure doon.
THIS SUNDAY NA ang pilot episode ng Paparazzi, ang bagong showbiz talk show ng TV5, hosted by Cristy Fermin, Dolly Anne Carvajal, and Ruffa Gutierrez. Hindi naman daw ito makakatapat ng Showbiz Central at ng The Buzz, tsika sa amin ni Dolly Anne. “Mas maaga kami, 2:30 (P.M.) ang start,” sey pa niya. Pero kahit pala bihasa na sa TV hosting, aminado ang aming Kapatid na kinakabahan pa rin siya.
Wala pa raw si DJ Mo Twister this Sunday. “Baka sa May na namin siya makakasama. May inaayos pa,” dagdag pa ni Dolly Anne.
Congrats, Kapatid! At sana ay bumaha ng vodka! Hehehe…
Bore Me
by Erik Borromeo