Jampacked at punung-puno hanggang sa pinakamurang mga upuan ang buong Araneta Coliseum sa katatapos lang na concert ni Sarah Geronimo na Record Breaker noong November 7, Sabado. Maagang nagsiputan ang mga tao sa venue at talaga namang punung-puno at walang bakanteng upuan kang makikita. Full support ang mga popsters at fans ni Sarah na binigyan talaga ng Viva Management ng front row exclusive seats para mas ma-feel ni Sarah ang suporta sa kanya ng mga fans at true enough, hindi naman siya binigo ng mga ito. Kahit ano pang kantahin ni Sarah, todo-bigay at sayaw ang mga fans niya!
Mixed reactions ang inyong lingkod sa naturang concert pero nangingibabaw sa akin ang napaka-flawless na tinig ni Sarah. Kahit anong kantahin niya, mapa-mabilis o mabagal or rap, talagang walang kupas ang kanyang boses!
Maganda sana ang opening kaso lang parang walang silbi ang 3D glasses na ipinamigay nila. Ginamit lang ang glasses para sa countdown. Medyo kulang sa suntok ang opening number. Napakasimple lang, at mukhang nagkapalpak pa sa audio dahil halos ‘di marinig si Sarah at ‘yung boses ng mga back-up singers niya ang naririnig! Naayos naman ito agad, pero naka-apat na kanta na ang pop star princess bago ito nangyari.
Medyo palpak din ang video wall ng naturang concert na siyang nagsilbing major backdrop ng kanyang stage. Ilang executives ng sponsors na katabi namin ang nagreklamo na halos ‘di nila nakita ang kanilang video materials. Interesting ang mga kinanta ni Sarah lalo na ang love songs at theme songs ng mga pelikula at album niya. Pero mas naloka kami nang magkaroon siya ng napakahabang segment para sa kanyang sponsors na kung saan kinanta niya isa-isa ang jingle ng mga ito. Nagulat din kami ng biglang mag-commercial sa gitna ng show at pinakita ang TVC ng kanyang ineendorsong shampoo! Grabe na! Doon na kami nakumbinseng malaking pera ang pumasok sa concert na ito ni Sarah!
Touching moment naman ang pagbati ni Sarah kay Regine Velasquez na nandoon sa audience area malapit kay Boss Vic del Rosario ng Viva. Nilapitan ni Sarah si Regine nang kantahin nito ang “You Changed My Life” at nagpasalamat. Bilang ganti, sinukbit ni Regine ang kanyang mamahaling pearl necklace kay Sarah. Nagpalakpakan ang mga tao at ‘yun na ang naging hudyat ng pagkokorona ni Regine kay Sarah bilang the “Biggest OPM Singer” ngayon. Tanging si Sarah na lang ang nakakapuno ng Araneta Coliseum hanggang sa bubungan, at dahil dito, tuwang-tuwa si Regine.
Mismong si Regine din ay nakakapuno ng Araneta lalo na nu’ng mga kapanahunan ng kanyang R2K album.
Nagpakita rin ng suporta ang kanyang mga kapamilya sa ABS-CBN sa pangunguna ni Channel Head Cory Vidanes, Star Cinema Managing Director Malou Santos, pati ang ASAP stars na sina Iya Villania, Anne Curtis, Rayver Cruz, Maja Salvador, Nikki Gil at marami pang iba. Todo naman ang hiyawan ng lahat nang lumabas na sa stage ang Kanto Boys minus John Lloyd Cruz. Hit na hit ang pagsasayaw ni Luis na ikinatuwa ng lahat.
Better than the previous one ang concert na ito ni Sarah at tiyak naming mas bongga pa ang mga susunod na magiging concert nito sa Araneta!
Congratulations, Sarah!