GAME kaming sinagot ni Sarah Geronimo sa aming exclusive interview kung sino para sa kanya ang “unforgettable” leading man niya ngayon. Ani Sarah, ito raw ay walang iba kundi si Milo.
“Ah, si Milo. Ha-ha-ha,” humalakhak niyang sagot. “Totoo po yon kasi iba yung feeling po kapag mahal na mahal mo yung kaeksena mo at mahal na mahal ko yung aso — si Milo.
So, hindi siya naging mahirap po for me. Ewan ko po sa kanya kung nahirapan siya sa akin. Ha-ha-ha,” humahalakhak pa niyang pahayag.
Nang tanungin naman namin kung ano ang itinuturing niyang unforgettable song, ito raw ay walang iba kundi ang To Love You More ni Celine Dion.
“Siguro po yung unforgettable song ko is yung To Love You More, yung winning piece ko po sa Star For A Night. Bakit? Kasi nung unang beses ko siyang kinanta sa school program pumiyok ako…
“I don’t know kung pumiyok nga ba ako o nalimutan ko yung lyrics. Pero yon ang sigurado ako, nalimutan ko po yung lyrics kasi ni-request po yon sa akin ng mama ko.
“Sabi niya, ‘Anak ang ganda nitong song na ‘to, ito na lang ang kantahin mo bukas.’ Eh, bukas na yon. He-he-he. Eh, okey naman po yung memory ko nung mga panahong yon, so talagang mine-morize ko. Memorize ko naman siya, pero nung actual performance na, nalimot ko, eh, nanonood po yung crush ko, so my gosh, kinabahan ako masyado,” pagbabahagi ni Sarah G.
Ang pelikula naman na ginawa nila ni John Lloyd Cruz sa Star Cinema ang para sa kanya ay ang unforgettable movie niya.
“Kasi that’s the first time na nakatrabaho ko siya and first time na sobrang kilig na kilig po ako. Yon yung movie na yung kilig ko ay talagang nakita mo talaga sa screen. Na nag-work, kasi yon yung character ko talagana sobra siyang kilig kay Miggy (Montenegro) so do’n nagsimula yung Miggy and Laida (Magtalas), yung John Lloyd-Sarah,” she said.
Palabas na sa mga sinehan ang Unforgettable simula Oct. 23. Mula ito sa direksyon nina Perci Intalan at Jun Lana ng IdeaFirst Company.