THE TRUTH is: pansamantala lamang na mamamaalam sa ere ang Sarah G. Live!, according to our source. Dahil nagkaroon ng usapan ang management team ni Sarah at ang ABS-CBN na magpapalit ng genre si Sarah every year.
Since naka-one year na ang show ni Sarah, ang ipapalit naman dito ay ang drama anthology na very, very light lang at hindi heavy drama. Pakyut, pa-feel-good, romance. Gano’n lang.
Sabi nga namin, bongga kung gano’n. Para hindi naman manawa ang mga tao na kanta na lamang nang kanta si Sarah. Although ‘yun naman talaga ang first and foremost talent ni Sarah at hindi rin naman siya hihiranging Pop Superstar kung hindi naman maganda ang boses niya, ‘di ba?
Pagkatapos ng drama anthology, magko-comedy naman si Sarah via sitcom. ‘Yan ay depende sa clamor ng fans.
So, i-expect n’yo nang lalong hindi magkaka-lovelife ang lola n’yo, dahil busy-bisihan ang drama.
ANO NA palang nangyari kay JM de Guzman? Ba’t tila pagkatapos ng Angelito, Batang Ama ay parang wala na tayong nababalitaang next project niya sa ABS-CBN? O, kami lang ang nahuhuli sa balita?
Hindi naman siguro totoo itong nakararating na balita sa amin na “binibigyan ng leksiyon” si JM dahil sa maling attitude daw na ipinamalas nito sa taping (tulad nang ito raw mismo ay nagpapa-pack-up ‘pag napapagod na), kaya biglang-bigla rin ang pagtatapos ng naturang serye sa hapon.
Gusto na lang naming isiping nagpapahinga lang si JM o me “niluluto” lang na bagong proyekto para sa kanya ang mother studio niya.
Hindi rin puwedeng um-attitude si JM, dahil ang alam namin, andami niyang “obligasyong” dapat bayaran.
ANO NGA ba ang sikreto ng Be Careful With My Heart, ba’t ito grabeng tinatangkilik ng mga manonood at for the first time sa history ng non-primetime sa ABS-CBN ay nakapagtala ito ng pinakamataas na rating na 31%?
Kami na rin ang sasagot ng tanong namin na ‘yan.
Actually, kahit kami’y love na love namin ang teleseryeng ito, dahil walang masyadong kum-plikasyon. Feel-good lang at good vibes lang ang hatid. Walang patayan, gantihan, poot sa dibdib at higit sa lahat, wala sa cast na naghahanap ng kanyang totoong pagkatao.
Alam n’yo naman ‘pag teleserye, ang laging problema ng bida ay kung saan siya galing o sino ang nanay o tatay niya na ‘yun pala, andaming beses na niyang kaeksena, nakalimutan lang niya ang lukso ng dugo na tinatawag.
Dito sa Be Careful With My Heart, relax-relax lang ang peg mo sa panonood. Wala kang masyadong iisipin.
Manggigigil ka nga lang dito ke Sir Chief, dahil deadma lang siya sa feelings ni Maya para sa kanya.
Actually, ‘yang mga pa-cute na eksena ang laging inaabangan sa seryeng ito, kaya ang balita namin, hanggang June natin mae-enjoy ang teleseryeng nagpapasarap ng tanghalian natin habang nagbabangayan ang tatlong noontime show sa ratings game.
Oh My G!
by Ogie Diaz