PARANG PINATUTSADAHAN NI Sarah Geronimo si Rayver Cruz sa latest interview niya kung saan natanong ang hitad tungkol sa mga umiintriga sa kanya.
“Kung sino man ‘yon, sa daddy ko, kung sino man siya, alam naman ng Diyos kung ano ang totoo,” sabi ni Sarah na parang pinatutungkulan si Rayver.
Public knowledge naman na kinausap nang masinsinan ng dad ni Sarah si Rayver at tinalakan. Nangyari ito sa backstage ng ASAP XV a few weeks back. Pinagsabihan si Rayver na tigilan na nito ang kanyang anak. Naging issue ang confrontation ng dalawa at talagang pinag-usapan.
For your information Sarah, hindi kay Rayver nagsimula ang tsismis sa inyo na eventually ay nakarating sa daddy mo. At ikaw naman ang unang pumiyok na crush mo si Rayver, sa iyong bibig nagsimula ang paghanga mo sa actor-dancer. Nanahimik si Rayver, pero ikaw ang nagbukas ng intriga.
At ito namang daddy ni Sarah, pati bata pinapatulan. Bakit kailangan niyang pagsabihan si Rayver? At bakit hanggang ngayon ay hindi pa niya matanggap na of age na si Sarah at natural lang na magkagusto sa lalaki? Kung ayaw niyang maligawan ang anak niya, sana hindi na lang niya pinalalabas ng bahay.
Pasalamat siya at marespetong bata si Rayver, hindi siya pinatulan.
Nagkakagulo raw pala ngayon sa Philippine Movie Press Club dahil sa palpak na 26th Star Awards nila.
Ang tsika sa amin, bigla raw umurong ang producer ng kanilang Star Awards kaya wala silang pondo noong mismong awards night nila kamakailan. Ang kasunduan daw kasi, magbabayad ng P500,000 ang producer para sa rights ng Star Awards, P300,000 of which is payable before the awards night.
Pero hindi raw ito ang nangyari. Wala raw perang ibinigay sa PMPC kaya naman nangarag sila noong mismong awards night na.
Ang dagdag pang tsika sa amin, nagpasaklolo na ang PMPC president nila kay Manay Letty Celi na pinagsabihan silang dapat ay kumuha sila ng competent na kakausap sa producer hindi iyong kung sinu-sino na lang na walang experience. Ang talagang palpak daw bukod sa PMPC president ay ang kumuha ng producer for the recent Star Awards.
Nawalan ng kredibilidad ang PMPC nang hindi matuloy ang airing nila ng 26th Star Awards sa TV5 the next day. At mukhang hindi na matutuloy ang airing dahil masyado nang late ito para ganapin pa.
At ang dami raw kapalpakan sa mismong awards night. Hindi raw nalinis ang venue at iba ang kulay ng mga artista na nakikita sa screen. Nasayang lamang daw ang lahat ng effort ng mga artistang dumalo dahil hindi nga naman sila nakita sa TV gayong gumastos sila sa gown at make-up.
At may mga nag-atrasan na rin daw na sponsors dahil nga walang TV coverage. Talagang pinasoli ang down payment na naibigay na nang malaman nilang palpak ang airing nito at malabo nang ipalabas.
At dahil dito, magpapadala na raw ng demand letter ang PMPC sa kinuha nilang producer.
Siguro naman, sa dami ng details ko, hindi na ako palalabasin ng isang tao diyan na nanghula. Highly confidential ang mga pinag-usapan sa PMPC pero nakarating ito sa amin.
Lex Chika
by Alex Valentine Brosas