INUULAN KAMI NG mga text messages na kung kani-kanino nanggagaling ay wala kaming alam. Kung paano nila nakuha ang aming numero ay siguradong sa taga-showbiz nanggaling. Si Sarah Geronimo ang pinupuntirya ng mga mensahe sa text.
Kumbaga kasi sa circus, si Sarah ang nasa pinakaituktok ngayon. Tinatapakan lang niya ang iba sa ilalim, kaya nag-iimbita ng kontrobesiya ang kanyang posisyon ngayon.
Matindi na ang kanyang napatunayan, apat na beses na niyang napupuno nang talagang punumpuno ang Araneta Coliseum. Siya rin ang pinagkakatiwalaang performer ng mga prodyuser sa ibang bansa. Kapag show ni Sarah ay siguradong magsasarado ng teatro at uuwi nang nakangiti ang mga nagdala sa kanya sa ibang bansa.
Pinupuntirya na siya ng pambabagsak. Lumutang ang kuwentong may isang grupo ng mga estudyante sa kolehiyo na nagpunta sa kanilang bahay sa isang subdivision. Pinaghintay raw nang maraming oras ng dalaga ang mga kolehiyala pero hindi naman siya lumabas.
Isang malaking kasinungalingan ‘yun. Sa logbook ng mga guwardiyang nakabantay sa gate ng subdivision, walang nakatala na grupo ng mga estudyanteng nagsadya sa kanilang bahay. Kung meron man, siguradong ipaaalam muna nila ‘yun sa homeowner para malaman ng mga ito kung papapasukin ang mga kolehiyala o hindi.
Ganu’n talaga kapag nasa ituktok na ng tatsulok ang artista. Lahat ng pamumuna ay ibabato sa kanya. Baka-sakali nga namang makalusot at makaapekto ‘yun sa kanyang kasikatan.
Ang nakaraang concert ni Sarah Geronimo sa Araneta Coliseum ay isa pang patunay na hihingalin na sa kahahabol ang mga kasunod niya.
Ayon nga sa mga kaibigan naming nanood ay sulit na sulit ang ipinambili mo ng ticket kapag concert ni Sarah ang pinanood mo. Magaling na siyang singer ay kapuri-puri pa ang dalaga, dahil maganda siyang role model para sa mga kabataan.
Hanggang ngayon, pinagkukuwentuhan pa rin nila ang pagtanaw ng utang na loob ni Sarah kay Regine Velasquez nu’ng nakaraan niyang matagumpay na concert. Nagbigay-pugay na siya sa singer sa stage ay bumaba pa siya, saka hinandugan ng piyesang “You Changed My Life” ang Asia’s Songbird.
Para sa ibang manonood, simple lang ‘yun. Pero hindi sa mga nakaaalam ng payak na pagsisimula sa mundo ng musika ni Sarah. Si Regine ang isa sa mga nagmanok sa kanya nu’ng sumali siya sa Star For A Night.
“Napakabait na bata, marunong siyang tumanaw ng utang na loob, lalo pa siyang susuwertihin,” komento sa amin ng mga kaibigang nanood ng concert ni Sarah Geronimo.
NAKATANGGAP kami ng impormasyon mula sa kaibigang Rey-Ar Reyes ng Winnipeg, Canada na isang malaking tagumpay ang concert ng Aegis Band du’n nu’ng isang gabi.
“Grabe ang tao, masasaya silang lahat, nakikipagsabayan sila sa pagkanta sa grupo!” Kuwento ni Rey-Ar Reyes na creative consultant ng Filipino Express News Magazine sa Manitoba.
Punumpuno raw ang venue, todo-bigay sina Juliet at Mercy Sunot sa pagkanta. Ayon kay Rey-Ar, kabisadung-kabisado ng mga kababayan natin du’n ang mga kantang “Luha”, “Halik”, “Ulan” at iba pa.
Si Tito Larry Baguisa ng UMAC ang producer ng Aegis sa apat nilang shows sa Canada. Nakakailang balik na du’n ang grupo, pero wala pa ring kasawa-sawa sa kanila ang mga Pinoy.
Sa mga panahong ito, siguradong nag-iikot na sa Winnipeg ang grupo. Sina Rey-Ar, Neil Soliven at Issi Bartolome ang magiging guide nila. Ang mga kaibigan naming Pinoy sa Winnipeg na tuwing nandu’n kami ay nagpaparamdam sa amin na hindi pa rin kami umalis ng Pilipinas dahil sa kanilang kabutihan at matutok na pag-aasikaso.
Misyuna, sobra, mga kaibigan.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin