OO, AWARE naman kami. Na inookray kami sa twitter ngayon ng ilang fans ni Sarah Geronimo. Gusto nila, humingi kami ng sorry kay Mommy Divine, dahil all along pala, tama ang nanay nitong pigilan ang anak na ma-in love kay Gerald Anderson.
Si Gerald na nali-link o karelasyon na yata ni Maja Salvador. Si Maja na itinuring na kaibigan ni Kim Chiu at kinuwentuhan pa niya ng love story nila ni Gerald nu’ng araw at si Maja pala na shoulder to cry on ni Kim ang siya pa palang sasalo sa ex-boyfriend.
So gustong palabasin ng ilang fans ni Sarah (lalo na ‘yung mga umookray sa amin sa twitter) na tama si Mommy Divine na protektahan ang anak nitong si Sarah. At mag-sorry raw kami dahil inokray daw namin noon si Mommy Divine.
At sinasabi pa nilang “bayaran” kami ni Gerald at ngayon daw namin ito ipagtanggol, hindi na raw kami makakalusot.
NANDU’N NA kami sa puntong ang mga fans, ang gusto lang marinig ay hindi katuwiran, kungdi ‘yung gusto lang nilang marinig na paliwanag.
Gusto lang naming linawin na kahit singkong duling ay wala kaming nahihita kay Gerald Anderson. Ni kahit pagbati nu’ng Pasko, Bagong Taon at birthday namin, wala rin. Pero hindi naman kami nagdamdam.
At ni minsan, hindi namin sinabing mabait na tao, madasalin, mapagkumbaba si Gerald. Hindi namin siya pinuri-puri noon para ipaintindi kay Mommy Divine na hindi nagkakamali si Sarah sa nararamdaman nito kay Gerald.
Ang isina-suggest namin kay Mommy Divine ay bigyan ng pagkakataon si Sarah na lumigaya sa lalaking gusto nito. Kung para sa kanya ay “maling lalaki” si Gerald para kay Sarah, eh ‘di wala namang problema.
Kung para kay Mommy Divine ngayon ay tama lang ang kanyang kutob kay Gerald, eh binabati namin siya. Kung sasabihin niyang, “Kitam, anak, babaero pala ‘yang si Gerald. Tingnan mo, si Maja na kaibigan ng ex niya, nakipagrelasyon siya,” wala rin namang pipigil sa kanya.
Pero lagi nating tatandaan: alin ba ang nauna? Ang itlog o ang manok?
Naunang ma-link si Sarah kay Gerald. Tapos, nu’ng gumib-ap si Gerald, na-link naman ‘to sa isang non-showbiz. Na-link pa kay Janice de Belen at ‘eto nga, ‘yung pinakahuli, kay Maja Salvador.
Ngayon at nagsalita na si Kim, otomatik, tama pala all along si Mommy Divine, gano’n?
Masasabi rin ba natin na kung pumayag si Mommy Divine na maging sina Gerald at Sarah eh, magaganap pa rin kaya ‘yung ke Maja? O malay rin ba natin kung hanggang ngayon ay sina Gerald at Sarah pa rin at okay ang relasyon nila?
Saka hindi lang naman din ang pagkakaroon ng lovelife ang isina-suggest namin, eh. Kungdi ang ma-enjoy ni Sarah ang kanyang kabataan. Kahit siguro si Sarah ang tanungin kung na-enjoy ba niya ang kabataan niya sa higpit ng nanay niya, I’m sure, hindi naman para “ilaglag” niya ang nanay niya, hindi ba?
Kailanman ay hindi namin kinuwestiyon kung paanong palakihin ni Mommy Divine si Sarah. Nakararating lang sa amin ang “hinaing” ni Sarah ‘pag palihim na kinakausap ang ilang taong close sa kanya.
LARAWAN NG isang mabuting anak, kapatid at kamag-anak si Sarah. Kitang-kita naman ‘yan sa kanyang achievements. At alam din ito ng Sarah fans na bahagi ng kanyang success ang kanyang ina na sobrang alaga ang anak.
Dahil boses ang puhunan ni Sarah, pati pagkain nito ng malalamig, tinututukan ni Mommy D. Kahit ang pagpupuyat, ayaw rin ni Mommy dahil makasisira sa boses ng anak.
Oo, kung inggit, inggit nga kay Sarah ang ibang artista, dahil sikat si Sarah. Pero kayo na ang magtanong kung hindi ba naiinggit si Sarah sa ibang batang artista?
Definitely, kung kalandian ng mga batang artista ngayon, hindi natin isasama sa listahan si Sarah. Pero ‘yung ine-enjoy nila ‘yung sobrang kinikita nila, dahil sila naman ang nagtatrabaho, ganu’ndin kaya si Sarah.
Hindi natin kabisado ang buhay. Life is too short. Baka bukas, kunin na tayo ni Lord, ‘yung yamang inipun-ipon natin, pampalibing lang pala. Ni hindi natin na-enjoy ang buhay.
Me twitter si Sarah, hindi na niya magamit. Ewan kung me personal account sa fb si Sarah o official website at fanpage lang. An’daming nami-miss ni Sarah habang nasa tuktok siya ng kanyang tagumpay.
‘Yung simple joy, hindi niya ma-achieve, dahil may umaawat sa kanya. Na-experience na ba niya na lumabas-labas once or twice a month kasama ng barkada?
Pinahahawak ba siya ng pera para pag meron siyang gustong bilhin ay bubunutin na lang niya sa bulsa niya? O ang madir pa rin ang humahawak ng lahat kahit 25 na si Sarah?
Oo naman, gusto ni Mommy D, maraming investments si Sarah lalo na sa properties para pagdating ng araw, sureball na ang future ni Sarah kahit pabandying-bandying na lang siya o dumating ang time na me pumalit na sa trono niya.
Pero iba pa rin ‘pag hindi lang basta pinangangaralan, kungdi binibigyan din ng tiwala ni Mommy ang anak niya pagdating sa pagdedesisyon.
O, kung magkakamali, nakaalalay pa rin si Mommy at ipare-realize sa anak na, “Normal lang ‘yan, anak. Ang importante, natuto ka at ‘yang mga experiences mo, ‘yan ang makapagpapatibay sa ‘yo bilang tao.”
Masama bang ihanda si Sarah na pagdating ng araw na wala na sa tabi niya ang parents niya ay matibay na siya at wala nang sinuman ang puwedeng umisa o manloko sa kanya?
‘YUNG HULING concert sa Araneta Coliseum ni Sarah Geronimo ay pinanood namin kasama ang mga anak ko. Pini-piktyuran ko pa bawat production number niya at itinu-tweet ko pa.
So obvious ba na favorite namin si Sarah when she performs? Kahit na ‘yung second daughter ko, si Sarah ang peg.
Tapos, ‘yung ibang fans ni Sarah, gumagawa ng new accounts sa twitter para lang “patayin” kami at ipagdasal na maghirap kami.
NORMAL LANG ang reaksiyon ng mga fans, lalo na ‘yung ibang butangera at palengkerang fans. Naiintindihan namin ‘yon. Kaya nga kesa i-private message namin sila para makipagsagutan, eh bina-block na lang namin.
After all, lahat naman kami, ang pangarap ay ang totoong personal na kaligayahan ng kanilang idolo, si Sarah Geronimo.
Oh My G!
by Ogie Diaz