TAMA LANG NAMAN ang desisyon na maghigpit na ang pamilya ni Sarah Geronimo, lalo na sa sitwasyon ngayon na muntikan nang makidnap ang kanyang daddy. Lalong naging kauna-unawa kung bakit laging maingat si Mommy Divine Geronimo kapag tungkol na sa kapakanan ng kanyang anak na singer ang dapat na tutukan. Kahit pa nga sa tuwina ay siya ang iniintriga na kontrabida raw diumano at kalawang sa career ng Pop Princess.
Sa totoo lang, nalalagay sa alanganin ang kaligtasan ni Sarah sa tuwing nasa labas siya ng kanilang bahay. Kahit pa sabihing madalas ay si Mommy Divine ang kinaaasaran na nakapaligid sa kanya, ina siya, kaya hindi niya dapat iwan ang kanyang anak. Napakabait kasi ni Sarah bilang artista. Parang hindi siya affected ng kanyang kasikatan. Mapagbigay siya sa mga taong lumalapit sa kanya, na mga bumabati, magpapa-autograph, magpapa-picture, bebeso at makikipagkamay. Narating niya ang kasikatang mayroon siya ngayon, dahil ibinaba talaga niya ang kanyang sarili at inilapit ang loob niya sa mga taong humahanga sa kanya.
Halatang-halata kay Sarah ‘yung sobra niyang katuwaan kapag alam niyang ang kumpol ng mga tao sa paligid ay siya ang hinahangaan. Pero sabi nga, hindi lahat nang lumalapit sa mga artista ay nagmamahal at humahanga. Mayroon talaga sa kanila, na lumalapit, pero mayroong masamang motibo. Iyon ang mga dapat pag-ingatan talaga ni Sarah. Okey lang na medyo dumistansiya muna siya sa maraming tao na hindi niya lubos na kakilala. Wala na rin naman siyang dapat pang patunayan sa kabaitan bilang idolo, dahil nagawa na niya ang parte niya sa bagay na iyon.
PALENGKERA NAMAN TALAGA ang istilo ng pagpapatawa ni Pokwang, kaya hindi nakapagtataka kung nanggaling nga sa bibig niya ang salitang panlalait, na diumano’y noong panahong nasa ere pa ang kasikatan ng programang Wowowee ng ABS-CBN, minsang may dumating na press sa studio ay naringgan ang komedyana ng salitang: “Hayan na naman ang mga namamalimos na press!” Kung nagpapatawa siya, hindi rin maganda iyon. Una sa lahat, dapat kilalanin din niya kung sinu-sino ba ang mga lumalapit sa kanya, dahil baka sa mga salita niyang ganyan ay mayroon din siyang masagasaan.
Kung sa bagay, baka nabiktima si Pokwang ng mga manunulat na mahilig pumila. Iyan naman kasi ang isa sa mga nakasisira sa imahe ng mga manunulat sa showbiz. Mayroon kasing mga grupo ng press, na ang hilig-hilig nilang pumunta sa studio para bumuntot sa mga artista, at tinututukan, bibigyan ng kopya ng dyaryo, na para bang sa pamamagitan noon ay nagpaparamdam na datungan sila ng mga artista. Naku, minamarkahan nila ‘yan. Kaya siguro, naglilitanya si Pokwang ng ganyan.
Friends na ngayon sina Pokwang at Ai-Ai delas Alas. Dapat siguro’y magpaturo si Pokwang sa Comedy Concert Queen kung papaanong magmahal sa press. Mahal na mahal kasi ng press si Ai-Ai, dahil marunong siyang magpahalaga sa mga manunulat. Si Ai-Ai ‘yung tipong kapag sinusuwerte sa dami ng proyekto, humahanap ng panahon para makapag-share sa press sa sarili niyang paraan, bilang ganti sa pagmamahal sa kanya. Pero si Ai-Ai, kailanman ay hindi nanumbat sa mga naibigay na niya.
NOONG BUWAN PA ng Hulyo nanggaling sa kampo ni Angelica Jones ang pangangalandakan, na diumano’y nanliligaw raw sa kanya ang vice-governor ng Bulacan at actor na si Daniel Fernando. Mayroon na ring nasulat, na sinabi ni Miss Jones na hindi naman daw nanliligaw sa kanya ang dating sexy actor. Ano ba talaga ang totoo? Nag-text ako noon kay vice-governor, at tumawag naman siya sa akin sa cellphone, at nag-deny talaga siya, na hindi raw siya nanliligaw sa flawless na komedyana.
Nitong huli, naglilitanya si Angelica, na ayaw na raw niyang pag-usapan ang isang katulad ni Daniel, na walang paninindigan sa sarili. Nagpainterbyu kasi siya sa press, kaya naitanong sa kanya ang tungkol sa pagde-deny ni Daniel sa ipinangalandakan niyang panliligaw diumano sa kanya. Naba-bother lang ako, dahil kahit hindi pa nagpapakasal, hindi naman namamahinga ang lovelife ng actor at sobra rin siyang mapagbiro sa mga babae. Kaya iniisip ko na lang, na baka biniro rin niya ang anak ni Mommy Beth Jones, ‘di ba naman?
Kung ang ibang artistang babae ay takot ipangalandakan ang panliligaw ng mga lalaki sa kanila, dahil baka nga sila mai-deny, nasa istilo naman ni Angelica ‘yung mahilig ipangalandakan ang mga nanliligaw sa kanya. Ayaw rin siyang pag-usapan ngayon ni Daniel. Nag-text ulit ako kay vice-governor, pero ang reply niya: “Melchor, sobrang busy lang ako ngayon. Mag-usap na lang tayo minsan.”
ChorBA!
by Melchor Bautista