AYAN! NAGDEKLARA na ang GMA 7 na kakasuhan na nila si Sarah Lahbati dahil sa mga inilabas nitong expose laban sa kanyang home studio at sa ilang executives na dinadamay niya sa mga pasabog niya.
Mahaba ang huling statement na ipinadala ng GMA 7 sa press, at isa du’n sa hindi nila matanggap ay ang sinabi nitong “under the table” negotiation, kung saan involved sa ibinibintang niya si Atty. Annette Gozon-Abrogar.
Kaya ang ending, hindi lang ang GMA 7 ang magdedemanda sa kanya, kundi baka pati si Atty. Annette dahil sa ibinibintang sa kanya ni Sarah.
Ang dinig ko, meron na naman daw tinu-tweet si Sarah, na ang talagang tinitira niya ang GMA Artist Center. Meron pa raw siyang collectibles na hindi pa nabibigay sa kanya. Kaya hindi na raw niya ma-take ang ganu’ng pagtrato sa kanya ng GMAAC.
Ang tapang ng batang ito, ha! Pero ang tingin ko naman diyan, iniimbestagahan na ‘yan ng GMA 7 at hindi naman ‘yan pababayaan. Siguro dapat ngang maayos na ‘yan, kung meron ngang ganu’ng problema.
Pero ang tanong ngayon, ano na ang mangyayari sa career ni Sarah? Willing ba siyang manahimik na lang sa Switzerland at ituloy ang pag-aaral.
May kumalat na nga na kuwentong umalis na raw ito sa Switzerland, pero ang alam ko nandito pa siya.
Itutuloy pa rin ba ang pag-alis niya? Matutuloy ba ang demandahan? Ano ang mangyayari n’yan?
Hindi naman natin alam kung ano ngayon ang naglalaro sa isip ni Sarah. Pero baka naman gusto na niya ng tahimik na buhay.
Gusto na lang nga siguro niyang nasa Switzerland na lang siya at ituloy ang kanyang pag-aaral. Ibang career na siguro ang gusto niyang tatahakin.
Sana tama na nga itong desisyon niya.
NAPAKA-IMPRESSIVE DAW ng Indio na pinanood ng movie press sa special screening nito na ginanap sa Cinema 5 ng SM-Megamall nu’ng kamakalawa ng gabi.
Gabi na naman kasi kaya hindi ako pumunta dahil alam n’yo naman, hahabulin ko pa sa bahay ang Pahiram ng Sandali at matutulog na ako pagkatapos, ‘no!
Pero sa trailer pa lang, mukhang napakalaki talagang proyekto ito ng GMA 7 kaya nakakakaba pero nakaka-excite para kay Bong siyempre.
Ipinanood sa media ang day one ng Indio na mapapanood na sa Lunes at manghang-mangha ang lahat na nakapanood.
Kaya tuwang-tuwa ang GMA 7 dahil inaabangan na talaga ito at malaki ang expectations sa epic-seryeng ito.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis