HUNYO 30, 2016 – bahagi ng kanyang inaugural speech na isinagawa kaninang umaga, ipinangako ni Pangulong Jejomar Binay na ang hindi natupad ni dating Pangulong Noynoy Aquino na paglilinis sa pamahalaan mula sa mga korap na empleyado at opisyal ay kaagad niyang isasagawa.
Ayon kay Pangulong Binay, hindi niya papayagan na maulit sa kanyang pamahalaan ang nangyari sa anim na taong panunungkulan ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino, kung saan hindi nito nailatag nang maayos ang ipinangakong “daang matuwid” at naudlot din ang “kung walang korap walang mahirap” nang dahil lamang sa kanyang mga kilalang ka-barilan na iniulat na siyang nagpahamak sa administrasyon nito.
Sa pagtakbo bilang Pangulo ng bansa, pinanindigan ni Binay na ang lahat ng rangya na tinatamasa ng Makati City ay kaya niyang ihatid sa buong bansa.
Dahil dito, si Jejomar Binay ay iniluklok ng taumbayan bilang bagong Pangulo sa pag-asang makamit ang nasabing karangyaan.
Hanggang sa sinusulat ang balitang ito, patuloy namang inihahanda ng legal advisers ni dating Senador Mar Roxas ang mga supplemental affidavit kaugnay sa kanilang inihaing protesta.
Matatandaan na kamakailan lamang ay nagpahayag si Roxas na kanyang ipupursige ang nasabing protesta dahil naniniwala umano ang LP na siya (Roxas) at hindi si Jejomar Binay ang nanalong Presidente.
Si Roxas ay pangalawang beses nang tinalo ni Binay sa halalan, ang una ay noong 2010 election bilang Vice President at ngayon naman ay sa pampanguluhang halalan.
PAREKOY, PARA HINDI kayo malito, ang balitang nabanggit sa itaas ay nilagyan natin ng “dateline” na Hunyo 30, 2016, dahil na rin sa ating paniniwala na sa petsang nabanggit ay ito na nga ang magiging kaganapan.
Kung magkakatotoo nga ito… hindi na ako magiging mamamahayag.
Magku-concentrate na lang po tayo sa panghuhula.
Pramis!
INAANYAYAHAN ko po kayo na makinig sa aking radio program na ALARMA KINSE TRENTA, Lunes-Biyernes, 6-7 am sa DZME o kaya ay mag-log-on sa www.dzme1530.com o mag-e-mail sa [email protected] o mag-text sa 09152121303.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303