Satanas sa lupa

NATALAKAY KO NA ang tungkol sa mga street children at pulubing namamalimos na naglipana sa buong Kamaynilaan.  Ngunit ang paksa ay tila isang umiiyak na tinig sa madaling-araw, nakikiusap, nagsusumamo.

Kung may satanas sa lupa, wala nang masahol pa sa sindikatong nasa likod ng mga kahabag-habag na nilalang. Simula pa ng aking kabataan, ang suliraning ito ng lipunan ay parang isang sugat na laging namamaga sa nana, ayaw guma-ling.  Ngunit tayong lahat na maayos ang buhay ay nakahalukipkip lang, walang pakialam.

Tuwing alas-5:00 ng umaga, lulan sila ng dalawa o tatlong 6 x 6 trucks at idinidiskarga sa iba’t ibang abalang kalye ng Kamaynilaan. Paglubog ng araw, iipunin sila at dadalhin sa isang safehouse at sasamsamin ang baryang napaglimusan.  Ang walang kinita ay sinasaktan at ‘di pinapakain. Ang malaking kita ay pinahihintulutang maligo at binubusog. Araw-araw, ganyan ang kanilang impyerno sa lupa.

Bakit ‘di maghilom ang sugat? Tanong ko uli, nasaan ang mga ahensiya ng pamahalaan na dapat maglapat ng lunas?  Nasaan ang Obispo ng simbahan upang ipaglaban ang kanilang pangtaong karapatan? Nasaan ang mga civic groups, professionals, at mag-aaral upang ipaglaban ang ‘di masisikmurang injustice?

Ahas sa ating lalamunan. O sabihin nating, tinik sa ating kunsensiya.

Ang panahon ay patuloy pang dadaloy, dada-ting at aalis ang mga administrasyon subalit ang satanas sa lupa ay patuloy na hahalakhak at hahamakin ang ating pagwawalang-bahala.

Minsan isang pulubing teenager na balut-balot ang tila anak niya sa isang maruming damit ang lumapit sa akin.  Nagsusumamo ng gamot para sa ‘ika niya’y maysakit na anak. Hinaplos ko ang bata. Kasing lamig na ng yelo. Tirik na ang naninilaw na mata. Ilang oras nang binawian ng buhay. Nadurog ako. Tumingin sa langit at sa nagdadalamhati kong damdamin ay nagtanong: Bakit? Habang kaharap ko ang mag-ina, katakut-takot na busina ang bumingi sa aking tenga.  Iba mga boses na nagmumura. Galit sapagkat nagdulot kami ng traffic.

Tama na, husto na ang ating pananahimik. Kumilos at igapos ang satanas sa lupa ng tanikalang apoy sa pinakamainit na lugar ng impyerno. Makialam.

KANTYAW LANG. ‘WAG kang magalit, Vice Ganda. Totoong galit, pinutakti ako ni Misis at apo dahil sa pagpula ko sa ‘yo.  I’m now taking back my words matapos ‘kong pagpaliwanagan.

Ganito kaming manunulat. Sensitibo at mapusok sa mga isyu. ‘Di sadya ang pagpuna. Pagpuna ay batas ng propesyon.

Okay, bukas panood muli ako sa ‘yo. Papalakpak sa mga jokes mo. All the best, Vice Ganda.

ANO BA ‘TONG napasukan ko. Nakaka-ilang pa lang sa very popular Pinoy Parazzi, sangkatutak agad ang fans. Eksakto palang lima lang – Misis, ‘sang anak, dalawang apo, at may pahabol, sipsip kong drayber.

Sa probinsiya, grabe ang following. Mga tiyuhin, kapatid, pinsan, pamangkin, etc. Sabi ni Misis: “Ala na bang iba?” Sagot: “Folk writer kasi ako. Kaya folks ko lang bumabasa.”

KAHAPON, DALAWANG STRANGE-LOOKING ibon dumalaw sa aking hardin. ‘Di ibong maya, ‘di pipit, payat na ibon na mukhang kalapati. Kaibigang Caloy, nakapansin. Sabi ko: “Bago sila rito. Mukhang galing sa malayong paglalakbay. Salamat, napadpad.”

Konting sandali sa buhay ngunit ‘sang araw na nagpaligaya sa musmos ko pang puso. Naalaala ko ang kabataan sa bukid.  Pag-aalog ng salagubang sa punong mayayabong. Pagtirador sa mga ibon. Paghabol sa paru-paro at tutubi.

Batang alaala. ‘Di na mababalikan. Pinaalaala ng dalawang strange-looking ibon.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleSalamat, Lenlen Oreta; at ang collector ng southern
Next articleSinungaling!

No posts to display