ANG PILIPINO na yata ang pinakaawa-awang lahi sa balat ng lupa. Magising sa katotohanan. Sa halip na produkto o kalakal, ang numero unong export natin ay OFWs. Halos araw-araw, malagim na balita tungkol sa kanila ang laman ng balita. Umalis na lumalakad, babalik sa loob ng isang kahon o ataul.
Ang paglapastangan sa atin ng Tsina sa Scarborough isyu ay di na nakakatuwa. Ngunit wala tayong magawa kundi tumahol na lang nang tumahol. Tumakbo tayo sa pundyo ng US. Subalit walang kinahinatnan. Kawawa ang maliit na bansa.
Dati-rating numero uno tayong economic tiger sa Asya, next to Japan. Ngayon, naiwan tayo sa pusali at lubluban ng kalabaw. Sa ating bansa, namamayani ang mga dayuhan. Tayong mga native, naghuhugas ng kanilang paa at nag-aalis ng kanilang earwax. Pundilyo nila, ating pinupunasan.
Sa tourism, kinanal na tayo ng Vietnam, Thailand, Malaysia at Indonesia. Nakapanghihinayang – kundi nakapagngingitngit – sapagka’t ang ating bansa ay hitik sa natural wonders na magnet sa tourists. “More fun in the Philippines?” Buwisit!
Kahit sa ating bansa, alipin tayo ng mga satanas na dayuhan. Isang ehemplo ang empleyado ng Panamanian Embassy na pinalaya at pinayagang umalis ng korte kahit may sampang rape case ang isang Pinay teenager. May diplomatic immunity diumano. ‘Di man lang tayo pumalahaw o naghimagsik ng kalooban upang pabalikin ang satanas sa lupa. Grrr!
Ang ating bayan ay maihahalintulad sa maraming excavation sites sa Kamaynilaan. Sanga-sangang tubo ng PLDT, SkyCable, Nawasa, Maynilad at Manila Water ang salumbayan sa loob ng hukay. Parang bituka ng isang maysakit na hinalukay at iniwang bukas.
Ang pinakamabigat na parusa sa atin ay mga pulitiko na ginawa nang cottage industry ang pulitika. Kapit-tuko sa puwesto. Lolo, lola, ama, anak, apo – palit-palitan sa puwesto. Tingnan natin ang Senado: dalawang magkapatid, dati-rati isang mag-ina at maaaring sa 2013 magkaroon pa ng mag-asawa. Hanep, family affair na!
‘Pag ‘di pa kayo nasusuka rito, pakinggan n’yo ito: Napabalitang tatakbo sa Senado ang mga actress na sina Alma Moreno at Lani Mercado. Wala na bang katapusan ang kamalasan natin? ‘Di pa ba sapat sa Senado sina Sen. Bong Revilla at Sen. Lito Lapid para magbutas ng upuan at tumingin sa kisame habang nagse-session. Bakit tayo alipin ng kamalasan?
SAMUT-SAMOT
AWAY TULFO-BARRETTO ay nakasusuka na. Turuan nang turuan. Mabuting ang korte na lang ang mag-resolve. Mahigit ding isang linggong pulutan ang insidente. Ngunit ‘di ako sang-ayon sa pagka-suspindi ng tatlong magkakapatid na Tulfo sa TV5 program. Arbitrary at labag sa press freedom. But we have had enough of the amusing spectacle. Let’s move on. Tama na.
SI MANNY Arias, pangulo ng National Union of Labor Federation (NAFLU) ay nananawagan sa mga employers na maging regular sa pagre-remit ng employees’ contributions sa SSS. Alegasyon niya, remittances ay binubulsa ng unscrupulous firms. Mahigit na P1.7-B na ‘di naibayad na SSS contributions ay kinondena na ng ahensiya. Ang halagang ito, giit ni Arias, ay dapat sanang nagamit sa pagpapalawak pa ng benepisyo ng SSS members.
HANDA UMANO ang Russia na sirain ang U.S. missile defense facilities sa Europe kung malaman ng Moscow na banta ito. Ayon kay Defense Sec. Anatoly Serdyukov, kaya umano ng kasalukuyang Russian forces lalo na sa Iskander missile na ma-neutralize ang U.S. launching facilities. Sinabi pa niya na hinihintay pa ng Moscow ang panig ng U.S. sa kontrobersyal na missile defense system sa Europe. Matagal nang tinututulan ng Russia ang deployment ng U.S. missile facilities malapit sa Russian border at humihingi ito ng garantiya na ‘di sila ang target ng missile shield.
TULUYAN NANG tinalikuran ng Facebook co-founder na si Eduardo Saverino ang kanyang U.S. citizenship. Batay ito sa confirmation ng Internal Revenue Services ilang araw bago ang paunang offering sa shares ng Facebook, kung saan inaasahang kikita ito ng $10.7-B. Sa nasabing IPO, malaking capital gains tax ang babayaran ni Saverino dahil sa pagmamay-ari ng limang porsiyento ng kumpanya. Ipinanganak sa Brazil si Saverino, nag-aral sa Harvard kung saan niya itinatag ang Facebook kasama si Mark Zuckerberg.
PITONG PARI na kasapi ng kontrobersiyal na religious order ng Simbahang Katoliko na Legion of Christ ang iniimbestigahan ngayon ng Vatican dahil sa child abuse. Ang kaso ng mga pari ay hawak na ng Congregation for the Doctrine of Faith. Habang patuloy ang imbestigasyon, ‘di pinalalapit sa mga bata ang mga pari. Ang Legion of Christ ay nasa ilalim ng Vatican receivership.
OBSERBASYON AY ‘di effective executive si DOTC Sec. Mar Roxas. Despite his billing as a good performer, palpak ang management niya ng ahensiya. Hanggang ngayon wala pa siyang impact projects na napatutupad. Naalaala ko lang ay ang ilang bagong kubeta ang pina-install niya sa NAIA. Maraming nagrereklamo sa bagal niyang mag-desisyon at umaksyon. Blessing in disguise, ‘di siya naging pa-ngulo.
MAKABUBUTI KAY dating Cong. Benny Abante ang lumapat na ang paa sa lupa. Sayang lang ang kanyang ginagastos sa pag-iikot para iparamdam ang kanyang senatorial plan. Walang matinong political party ang kukuha sa kanya. ‘Di siya winnable. Ganyan din si dating actress Alma Moreno at Lani Mercado.
NATAPOS NA rin ang long, hot summer. Biro mo umabot sa 39.6 Celsius ang singkad ng kainitan noong mid-May. Naglobo ang bayad sa kuryente dahil umaga’t gabing gamit ng aircon. Nahaharap tayo uli sa problema ng buhay – at monster trapik lalo na sa pasukan. Paikut-ikot ang panahon. Ulan, init. Luha at galak. Sakit, kalusugan. Kabataan, katandaan. ‘Di sa daming kinabubuhay na taon masusukat ang makahulugang buhay. Kundi ang iniwan mong magandang alaala sa mundo.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez