MATAPOS ANG halos dalawang buwan na pagkakaantala ng pagbubukas ng Halloween Haunts Scream Park Manila, sa wakas, at nabuksan na rin ito sa publiko sa unang pagkakataon noong ika-24 ng Disyembre. Kayraming pinagdaanan ng event na ito dahil hindi lang isa at hindi lang dalawang beses nasuspinde ang pagbubukas kundi tatlong beses pa.
Ang unang pagsuspinde nila ay dahil sa bagyong Yolanda. Ang ikalawa ay dahil may pumutok na generator sa loob ng theme park. Ang ikatlo naman ay dahil sa pagkakadiskubre nila mula sa imbestigasyon na ginawa, hindi pa pala ganoon katibay at kaligtas ang mga props at mga kagamitan na kinakailangan ng Scream Park Manila. Mas minabuting isuspinde na lang nila ang pagbubukas kaysa naman may buhay na malagay sa kapahamakan.
Ngunit, hindi maiiwasan ang pagdating ng maraming ispekulasyon at maling haka-haka na bumabatikos sa kredibilidad ng nasabing theme park. Nangunguna riyan ang balitang “scam” daw ito. May nagsasabi na hindi raw sulit ang ibinayad nila dahil hindi pa tapos gawin ang mga atraksyon sa loob. Dinagdag pa nila na ang tagal nilang pumila, apat na minuto lang pala ang itinatagal ng nasabing event. Matapos makarating ito sa management ng Scream Park, sa pangunguna ni David Willis, mabilis niyang itinanggi ang batikos na scam ang Halloween Haunts Scream Park Manila. Nagkaroon lamang sila ng hindi maiiwasang problema at nangakong magbubukas ang Scream Park Manila sa lalong madaling panahon.
Isa ako sa dumalo noong unang pagbubukas sana ng Scream Park Manila noong ika-30 ng Nobyembre. Hindi ito natuloy dahil nga sa pumutok na generator sa loob. Maraming tao rin ang nadismaya kaya pina-refund na lang nila ang kanilang mga bayad. Ngunit, masuwerte ako dahil nagtiwala ako sa Scream Park Manila. Kaya kaming mga may hawak ng tickets pinalitan nila ng VIP at ‘yung iba na may VIP na, times four na tickets pa ang kapalit nito para pakunsuwelo sa mga taong naabala.
May kasabihan sa Ingles na “good things come to those who wait.” ‘Yan ang nasabi ko matapos bumalik sa Scream Park Manila noong bago magpasukan ngayong Enero. Hindi naman nila ko binigo dahi makikita mo na talagang pinaghandaan at pinagbuhusan ng panahon. Nasaksihan ko ang “Vigan Feels” sa loob ng theme park dahil gayang-gaya nila ang mga gusali sa Vigan. May bonus nga lang na mga multong sisitsit sa iyo. Katipunerong multong hahabulin ka at mga white lady na haharangin ang daraanan mo.
Sa ikalawang parte ay ang Haunted House, kung pinaplano mong mag-Scream Park, huwag na huwag kang magsusuot ng itim. Para makita ka ng mga kasama mo, kasi kung nakaitim ka, naku, baka mawala ka pa. Ang loob ng Haunted House ay mga iba’t ibang klase ng kuwarto na may iba’t ibang kuwento. Nariyan ang butcher na imbes baboy ang kinakatay, tao ang tsina-chop-chop. Mayroon ding baliw na bigla na lang gumagapang. May white lady na sasalubungin ka at marami pang iba. Tiyakin na humawak sa mga kasama mo at huwag bumitaw para hindi ka maiwanan sa kuwarto ng kababalaghan.
Sa ikatlong parte naman ay ang sementeryo. Sa unang tingin akala mo parang wala lang ito dahil wala ka namang makikitang multo. Pero nagkakamali ka. Ang iba sa kanila ay animo’y nakalibing na muling babangon sa lupa at sa kabaong.
Hindi na ako magsasabi pa ng ibang kaganapan para hindi mawala ang takot at kaba na paniguradong ipagkakaloob sa inyo ng Halloween Haunts Scream Park Manila.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo