USUNG-USO NGAYON ang mga nobela o kuwento sa libro na isinasapelikula. Sa Hollywood pa nga lang, nariyan ang Harry Potter Series. Nasubaybayan na nga natin ang paglaki ng mga bida rito. Nariyan din ang Divergent Series. Kakasimula lang ng unang saga kaya asahan na masusundan pa ito taun-taon. At siyempre, hindi rin mawawala sa listahan ang Twilight Saga na naging phenomenal nang husto dahil sa pagmamahal natin sa dalawang bida rito na sina Edward at Bella. Kahit nga sa likod ng kamera, sinubaybayan na natin maging love story nila.
Sa Hollywood ‘yan, pero rito sa Pilipinas, medyo naiba nang konti lang naman dahil patok na patok dito sa atin ang mga pagsasapelikula ng mga kuwento sa Komiks. Nariyan ang Dyesebel, Darna at marami pang iba. Hindi lang ‘yan dahil pati pagsasapelikula ng nobelang unang nabasa at sumikat sa Wattpad ay mangyayari na rin sa unang pagkakataon. Ito ay wala nang iba kundi ang She’s Dating The Gangster.
She’s Dating The Gangster na nga ang pelikulang trending na agad kahit hindi pa napapanood. Bakit nga ba?
Ang nasabing pelikula ay orihinal na nobelang isinulat ni Bianca Bernardino. Ito ay unang nailathala sa Wattpad. Huwag small-in dahil bestseller ito at maraming fans na bagets ang nobelang ito. At ngayong taon nga, isasapelikula ito sa direksyon ng batikang direktor na si Cathy Garcia-Molina na kilala rin sa paggawa ng nakakikilig na pelikula. Ito rin ay pagbibidahan ng isa sa mga pinakasikat na loveteam ng henerasyon ngayon, sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.
Ang SDTG ay kuwentong umiikot sa dalawang bida na sina Athena Dizon, isang simpleng estudyante at Kenji Delos Reyes isang gangster o nagrerebelde na estudyante. Nagsimula ang lahat nang nagpanggap si Athena bilang girlfriend ni Kenji para pagselosin ang ex ng lalaki. Magkakaroon ng twist ang istorya dahil ang pagpapanggap ay dumating sa punto na tuluyan nang nahulog ang loob ni Athena kay Kenji.
Nakatutuwang isipin na ang simpleng Tagalog romance novel na She’s Dating The Ganster ay nanggaling sa isang uploaded file sa Wattpad. Ang Wattpad ay isang online reading avenue kung saan ka makababasa ng mga kuwentong isinulat ng ordinaryong bagets. Puwede ka ring mag-upload ng sarili mong likha basta’t may account ka lang.
Taong 2006 ng Agosto nang i-post ni Bianca ang SDTG sa Wattpad at agad-agad naman itong umani ng magagandang reviews at maraming readers. Kaya naman Marso ng 2013 nailathala ang SDTG sa Summit Media at naging available ang mga libro sa mga book stores sa bansa nationwide.
Ang She’s Dating The Gangster ay showing na ngayong July 16. Kaya ano pang hinihintay n’yo? Huwag nang magpahuli sa pelikulang trending na, bestselling novel pa!
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo