DALAWANG international best actor award na ang napanalunan ni Sean de Guzman para sa pelikulang Fall Guy na idinirek ni Joel Lamangan. Una siyang nanalo sa CHITHIRAM International Film Festival sa India na sinundan ng another best actor award sa Anatolian Film Awards in Turkey.
Hindi makapaniwala ang aktor na bida ng Relyebo na mapapanood sa Vivamax sa sunud-sunod na pagkilala sa husay niya bilang actor sa mga siinasalihang internationalfilm festival sa ibang bansa.
“Parang hindi totoo. Hindi pa rin ako maka-paniwala,” bulalas ni Sean sa PUSH nang mainterbyu namin siya sa bahay ng manager niyang si Len Carrillo sa Cainta.
“Parang ang weird ng feeling kasi hindi ko naman ginawa yung pelikula para manalo ng award.. Kung ano yung instructions sa akin ni Direk Joel habang nagsusyuting kami sinunod ko lang naman,” dagdag niyang pahayag.
Ayon pa kay Sean, hindi rin siya sanay na nakakatanggap ng papuri.
“Hindi naman po kasi ako sanay na pinupuri, ganyan. Hindi ako sanay na pinapansin, kasi parang ano lang ako, eh – low key lang ako na tao. Parang gusto ko simple lang. So ngayon, kinikilabutan ako.
“Parang hindi ko natatanggap sa sarili ko kapag kunyari kapag may pumupuri sa akin. Pero na-appreciate ko yon kasi may nakakapansin at nakaka-appreciate din kung anong ginagawa ko at nakikita nila sa akin,” saad pa ni Sean.
As expected, muli na namang ipinamalas ni Sean ang husay niya bilang actor sa Relyebo na idinirek ni Crisanto Aquino at streaming na ngayon sa Vivamax.
Ani Direk Cris, “Si Sean ay isang halimbawa ng artistang habang tumatagal ay lalong gumagaling. Nakikita ko sa mga mata niya ang interes at pagpapahalaga sa craft niya at mahal niya ito.
“Binigyan niya ng buhay si Jimmy sa Relyebo na lumagpas pa sa inaasahan ko. Nagbagong anyo siya, hindi siya si Sean.”
Maging ang kapareha ni Sean sa movie na si Christine Bermas ay puring-puri din ng direktor.
“Grabe si Christine. May lalim, may bigat at makatotohanan ang pagganap,” saad ng direktor.