HINDI sinasadya ni Sean de Guzman na somehow ay sundan ang yapak ng Kapamilya actor na si Coco Martin. Katulad ni Coco, nagsimula rin si Sean bilang isang sexy actor sa pelikulang Anak ng Macho Dancer, his launching film na idinirek ni Joel Lamangan.
Bago magbida sa ANMD, tumanggap muna ng supporting role si Sean sa pelikulang Lockdown na pinagbibidahan naman ni Paolo Gumabao. Si Lamangan din ang direktor ng naturang pelikula.
Sa pinakabagong pelikula ni Sean ngayon sa Viva kasama si AJ Raval na ang title ay Taya ay sumabak na naman ang binata sa hubaran. Taya is directed by Roman Perez at mapapanood sa Vivamax at ibang streaming platform sa August 27.
Si Coco ay nagsimula rin bilang sexy actor noon sa mga pelikulang Masahista (2005), Daybreak (2008) at Serbis. Pero hindi ang paghuhubad niya ang tumatak sa audience kungdi ang husay niya bilang aktor kaya madali siyang naka-graduate sa ganung image.
Ano ba ang reaksyon ni Sean kapag sinasabing siya ang “another Coco Martin” ng Viva?
“Napakalayo na po ng narating ni idol Coco. Nagsisimula pa lang po ako at nakakahiyang maikumpara ako sa kanya,” tila nahihiyang reaksyon ng Taya lead actor.
Dugtong niya, “Marami pa po akong dapat matutunan at dapat gawin. Hindi po naman overnight success ang ganun, kailangan po ng hard work. Pero salamat po na ganun ang nakikita nila sa akin. Nakakakilig din. Ha-ha-ha!”
Ayon pa kay Sean, gusto niya ring makagawa ng sariling tatak sa showbiz industry sa mga darating na taon kaya pinagbubuti niya ang kanyang trabaho.
“Mas gusto ko pong ma-build-up sa sarili kong kakayahan, sa sarili kong atake kumbaga pagdating sa pag-arte. Ayokong makita ako ng tao na, ‘Uy ano ito, another ganyan-ganyan…’
“Si Sir Coco po ay isang inspirasyon para sa mga kagaya namin kaya sumasaludo ako sa kanya at sa mga na-achieve niya. Sana nga po kahit konti lang no’n ay marating ko rin,” pahayag pa ni Sean.
Matagal ding naghintay si Sean bago nabigyan ng big break sa pelikula.
“Parang five years na rin ata akong nag-a-audition pero puro reject. Hindi talaga ako nakukuha. Masakit sa pakiramdam pero ganun talaga, eh.
“Before ako mag-audition sa Lockdown dapat mag-a-apply na ako sa Starbucks. May resume na ako. Nagpagawa na ako then kinabukasan mag-a-apply na ako kasi nga pandemic. Tapos yon nga, natanggap ako,” kuwento ni Sean.
Si Sean ang tumatayong breadwinner sa kanyang pamilya kaya obligado siyang magtrabaho.
Lahad niya, “Ako lang kasi yung inaasahan sa amin dahil ako ang breadwinner. Mahirap namang asahan ang pag-aartista lalo na nga dumating ang pandemic.
“So. ganu’n yung nasa isip ko nung time na yon. Kailangan ko nang magtrabaho. Hindi na puwede yung papetiks-petiks lang ako. Hindi ko rin alam that time kong may future ba ako sa showbiz kasi ang hirap di ba?
“Humingi ako ng sign kay God. Binigyan niya naman ako. Kasi lahat ng pinag-audition-an namin ng mga kagrupo ko (sa Clique V) nare-reject kami.
“So, nandu’n na ako sa point na sawa na ako sa rejection and sumuko na ako talaga. Sabi ko, ‘Hindi yata para sa akin itong path na ito.’ And then, binigyan ko ng isang pagkakataon yung sarili ko na sabi ko, ‘Last na talaga ’to.’ Ayun, nabigay naman ni Lord.”
Samantala, bidang-bida na naman si Sean sa Taya dahil sa karakter na ginagampanan niya bilang si Sixto nakasentro ang kuwento ng pelikula.