GINANAP noong Miyerkules, October 7, ang big reveal kung sino ang aktor na gaganap ng role bilang “anak ng macho dancer” sa sequel ng classic film na Macho Dancer na ginawa ni Direk Lino Brocka noong 1988.
Unanimous ang choice nina Direk Joel Lamangan, ang director ng sequel, Joed Serrano, producer ng God Father Productions at iba pang member ng kanyang team, na sa baguhang si Sean de Guzman, 20, at miyembro ng all-male group na Clique V, ibigay ang most coveted role.
Lumutang si Sean sa audition na ipinatawag nina Direk Joel at Joed na dinaluhan din ng ibang aktor na gustong maging bida sa pelikula. Malaking factor ang husay sa pagsasayaw, innocent looks at ang pagkakahawig ng mukha ni Sean kay Alan Paule 32 years ago habang gnagawa pa ng aktor ang Macho Dancer ni Brocka.
Bukod kay Alan ay makakasama ni Sean sa Anak ng Macho Dancers ang origina cast ng pelikula na sina Jacly Jose at William Lorenzo, along with Rosanna Roces and Jay Manalo.
Ang ABS-CBN writer na si Henry King Quitain ang susulat ng script ng pelikula.
Sa ginanap na announcement at press launch ay kaagad na nagpakitang gilas si Sean nang sumayaw siya na ala-macho dancer.
Samantala, sa Facebook page ni Sean ay pinasalamatan niya ang mga taong magiging bahagi ng kanyang journey bilang aktor.
“Una sa lahat, gusto ko pong magpasalamat kay God sa ibinigay niyang blessings sa akin. Salamat po sa mga taong naniwala at nagtiwala sa akin.
“Maraming salamat din po sa aking mga kaibigan, pamilya, at sa aking butihing ina. Ang babaeng unang naniwala sa akin. Ma, mahal na mahal kita, maraming salamat sa walang sawang pagmamahal sa amin magkakapatid at sa lahat ng sakripisyo mo sa amin.
Sa din sa aking mga kapatid na babae — ang Belladonnas, sa aking mga kapatid na lalaki – Clique V.
“Sa aking pangalawang pamilya — 3:16 Events and Talent Management Company.
“Higit po sa lahat salamat sa pangalawang babae sa buhay ko na hindi po ako iniwan, hindi sinukuan sa lahat nang pagmamahal, sa tiwala. Ang pinakamamahal kong manager, Nanay Len Carillo. Nanay, maraming maraming salamat. Mahal na mahal ka namin.”