TAPOS NA ang syuting ng launching movie ni Sean de Guzman na Anak Ng Macho Dancer mula sa Godfather Productions ni Joed Serranano na idinirek naman ni Joel Lamangan.
Ilang araw ding kumakabog ang dibdib ni Sean tuwing magsusyuting ng pelikula dahil sa mga mapangahas na eksenang kailangan niyang gawin sa pelikula.
“Nakapagbitiw po kasi ako ng salita noon na lahat ng ipapagawa sa akin basta kailangan sa pelikula ay gagawin ko. Pinanindigan ko po yon,” balita sa amin ni Sean.
Isa pa raw na nagpakaba sa kanya ay ang presence ng mga beterano at award-winning actors na nakikita lang niya noon sa pelikula.
“Surreal yung feeling na kaharap mo yung magagaling na artista na pinapanood mo lang dati. Hindi pa rin po ako makapaniwala,” masaya niyang pahayag. “Nakakakaba kapag kaeksena ko na sila but they were very generous na alalayan ang isang baguhang katulad ko,” wika pa niya.
Kasama ni Sean sa Anak ng Macho Dancer sina Jaclyn Jose at Alan Paule na cast ng original Macho Dancer movie ni Lino Brocka noong 1988. Nasa cast din ng sequel sina Jay Manalo, Emilio Garcia at Rosanna Roces.
Sa palagay ba niya ay nabigyan naman niya ng justice ang pagiging isang Anak ng Macho Dancer?
“Sila po ang makakapagsabi niyan, kung nagampanan ko nang maayos yung role ko. Ayoko pong sabihin na ganito, ganyan, pero ang masasabi ko lang po is ibinigay ko naman lahat ng kaya kong ibigay sa pelikula. Sila na lang po ang humusga sa ginawa ko,” humble na pahayag ni Sean.
Nasa post production na ang Anak Ng Macho Dancer at hindi pa namin sure kung kailan ito ipalalabas.