SA ISYU NG baha sa Malabon City, isang konsehal dito ang nagsalita sa sesyon at binanatan ang media.
Si Konsehal Ian Borja, parekoy, ang tinutukoy natin na nagpakita ng kaangasan na kung umasta, akala mo ay totoong makabayan.
Ang katwiran ng animal kung bakit niya binanatan ang media, dahil lagi raw iniuulat na may baha sa Malabon kapag may bagyo o umuulan.
Dahil dito, nauudlot daw ang pagpasok ng mga investor sa kanilang lugar.
Ayon kay Borja, kahit daw hanggang sakong lang o hanggang tuhod ang tubig ay iniuulat na agad ng media na baha.
Asus, kundi ba naman pasmado na yata ‘yang bokabularyo mong konsehal ka, kahit ang tubig baha ay hanggang sakong, bukong-bukong, bewang, dibdib o lagpas-tao, ang tawag diyan ay baha!
At kung gamitin mo lang nang maayos ‘yang ulo mo, dapat mong malaman Konsehal Borja na ang media ay nag-uulat lamang ng kaganapan!
Na kung lilimiin mong mabuti, mas makatutulong ang ulat ng media upang mapagtuunan ng atensyon ng mga opisyal ng pamahalaan ang nasabing problema!
Matanong nga natin itong si Konsehal Borja, may naipasa ka na bang kahit isang panukalang batas upang maibsan man lang, kung hindi man tuluyang malutas ang problema sa baha riyan sa Malabon?
O, baka naman kaya wala kang nagawa dahil nga sa tingin mo ay hindi ito problema?
Na kahit sangkatutak na sakit dulot ng baha ang nakukuha ng mga taga-Malabon at maliban sa perhuwisyo sa mga kagamitan ay ayos lang sa iyo, dahil hindi ka naman ngayon aktuwal na nakatira sa Malabon?
Gaano ka-totoo Konsehal Borja na komo roon ka na nakatira ngayon sa Mapulang-lupa, Valenzuela City ay wala ka nang pakialam kahit lunurin man sa baha ang Malabon?
Sa takbo, parekoy, ng mga pangungusap ng hinayupak na ito ay isa lang ang nauunawaan ko na ibig niyang palabasin…
Na ang baha sa Malabon ay biyaya! P’we!
PAULIT-ULIT NA SINASABI ni P-Noy na kaya binubusising mabuti ng kanyang pamahalaan ang bawat gastusin at proyekto ay upang makatipid ang gobyerno.
Bahagi raw ito ng tinatawag niyang “matuwid na daan”.
Anong daan naman kaya itong tinahak ni Presidential Communications Sec. Ricky Carandang sa pagbili niya ng mga laptop na umabot sa halagang 1.6 milyong piso?
Sa internet, makikita natin, parekoy, na ang isang laptop ay maaari nating bilhin sa halagang P20,000 hanggang P30,000 lamang.
Pero ang pinili ni Sec. Carandang ay ang halagang P67,000 ang isa.
Pero ayon kay Sec. Carandang, mura pa raw ito dahil ang tunay raw na presyo ng “Apple” na laptop ay P75,000 ang bawat isa.
Yakkks! Ba’t kaya hindi na lang bumili ng tig-P20,000 ang bawat isa, tapos magdagdag na lang ng apple sa Divisoria? Mabubusog pa sila! Hak, hak, hak!
Sabagay, wala tayong magagawa parekoy kahit maging magarbo ang panlasa ni Sec. Carandang… aba eh, bahagi yata ‘yan ng “matuwid na daan”!
Ang hindi natin maunawaan, bakit kaya sa 2 scheduled bidding ng nasabing pagbili ng Malakanyang ay walang sumali?
Kaya naging “negotiated contract” na lang tuloy ang bilihan!
Nararapat lamang, parekoy, na imbestigahan ni P-Noy ang bagay na ito para matiyak natin…
Na kung walang korap ay walang mahirap!
Mapakikinggan ang aking programang “ALARMA Kinse Trenta” sa DZME 1530 kHz, 6:00-7:00 am, Lunes-Biyernes. Mapapanood din ito via “live stream” sa www.dzme1530.com. Para sa anumang reklamo/reaction, e-mail: [email protected]; call or text 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303