NAGSIMULA SI Sef Cadayona sa isang ice cream commercial. Agad napag-ukulan ng pansin ang binata dahil striking ang personality nito sa nasabing TV commercial. Maraming shows na rin siyang nagawa sa GMA-7. This time, nasa cast ang young actor sa romantic-comedy movie na My Kontrabida Girl with Rhian Ramos and Aljur Abrenica under the direction of Jade Castro.
“This is my first movie, first time na hindi ako nagpatawa rito. May mga scene kami rito na ang mga boys ay nag-topless as in nagpakita kami ng butt. Nangyari na nga at saka cute naman ‘yung eksena pang-patawa sa audience,” say niya.
Walang keber si Sef kung supporting role lang ang ginagam-panan niya. “Kahit supporting, maganda naman ‘yung exposure na ibinigay nila sa akin. Napakita ko in a way, medyo seryoso, pero hindi drama ang pelikula. I think, I did a showcase naman du’n. Hindi lang comedy ang kaya kong gawin.”
Inamin ni Sef na malaki ang naitulong sa kanya ng mga soap na nagawa niya sa GMA-7. Naka-limang shows na siya sa Siyete na halos comedy roles ang napupunta sa kanya. Idol ng binata si Sid Lucero dahil sa husay nitong umarte. “Kumbaga, sa drama at sa pagka-seryoso ang pag-uusapan, Sid Lucero. Eversince ‘yung mga indie films na ginawa niya, bumilib na ako sa kanya. If given a chance na makapag-indie ako, hindi ko sasayangin ‘yung opportunity na ibibigay nila sa akin.”
Sinasabi rin ni Sef na idol niya si Sid. Magagawa ba naman niya ‘yung mga daring scene na ginawa ng aktor like doing gay film with kissing scene and bed scene sa kapwa niya lalaki? “Daring scene, hindi ko pa yata kaya, kasi mahilig ako sa comedy. Gusto ko siyang paghaluin, pinapanalangin ko nga kung magkakaroon ng remake ng ‘Ang Tatay Kong Nanay’ ni Dolphy, gusto kong gampanan ‘yung role ni Dolphy. Para sa akin, napakagandang pelikula ‘yun at napakagaling nina Niño Muhlach at Philip Salvador. Striking ‘yung role, lalo na ‘yung nakita ni Dolphy si Niño, nagme-make-up, tapos, pinalo niya, sinaktan niya.”
Walang arte ring sinabi ni Sef na willing siyang gumanap na gay sa pelikula. “Nabigyan na ako ng role na gay sa ‘Time of MY Life’. Isa siyang magaling sumayaw na best friend ni Kris Bernal. At first, nandu’n ‘yung takot, pero nang makita ko ‘yung response ng mga tao, gustung-gusto nila. Effective ‘yung pagganap ko, napansin ako. Sunud-sunod ang panonood ko ng pelikula nina Eddie Garcia, Michael de Mesa. Ang sarap-sarap na matuto, magandang experience ,kasi nagbunga. Hindi ako nagdalawang-isip noon. Sabi ko, kung anumang role ang ibigay sa akin, dapat pasalamatan ko, kahit ano pa ‘yung role. Mas may challenge kapag iba’t ibang role ang ginagampanan mo, ‘di ba? Lalo ka pang mahahasa as an actor at makatutulong nang malaki ‘yun para lalo mong pagbutihan ang role na gagampanan mo.”
May panuntunan sa buhay si Sef, “Payo sa akin ng stepdad ko, kapag binigyan ka ng pagkakataon, kunin mo na, huwag mo nang sayangin. Sabi ko, dito na ako sa loob, gawin ko na ang dapat kong gawin. Trabahuhin ang dapat trabahuhin,” aniya.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield