KAMAKAILAN LAMANG, number one trending topic sa Twitter, Instagram at Facebook ang “Oscars selfie” na pinasimuno ng host na si Ellen De Generes. Paano ba naman, mga nagsisikatang Hollywood stars tulad nina Jennifer Lawrence, Meryl Streep, Brad Pitt, Angelina Jolie at Kevin Spacey ang nasa larawan. Alam n’yo bang higit sa dalawang milyong retweets ang inabot ng selfie na ito. Kaya hindi katakata-taka na naitalaga ito bilang “Most Retweeted Selfie in the History.” Hindi mo na nga lubos maisip kung ano ang mas tinutukan ng mga manonood, ang Oscar’s Awards Night ba o ang Oscar’s Selfie nila.
Pero ang mga Pilipino ay hindi naman papatalo. Siyempre, tayong mga Pinoy pa? Malakas kaya ang fighting spirit natin! Nasa Hollywood man ang may titulo ng “Most Retweeted Selfie,” nasa bansa naman natin ang “Selfie Capital of the World.”
Tama, ang mga Pinoy nga ang binansagan ng Time Magazine nito. Hindi na siguro nakakabigla ang balita na ito. Halos lahat naman tayo ay may mga phone cameras na. Paniguradong dahil sa mga kapwa ko bagets kaya tayo nabansagang pinaka-vain na tao sa mundo ay este “Selfie Capital” pala.
Sa siyudad ng Los Angeles sa Amerika kinunan ang “Most Retweeted Selfie” pero sa listahan ng “Top 10 Selfiest Cities in the World,” ni wala nga ang lugar na ito. Ang Pilipinas nga, sa Top 10 na iyan, tatlong siyudad pa natin ang pumasok! Nakuha ng siyudad ng Makati at Pasig ang titulong “Selfie Capital of the World.” Akalain mo ‘yun, nag-tie pa ang dalawang siyudad na ito. Ayon sa Time Magazine, ang mga siyudad na ito ay may nakukuhang selfie shots na 258 kada 100,000 katao. Nasa ika-walong puwesto naman ang siyudad ng Cebu na may 99 selfie-takers kada 100,000 katao.
Ayon sa Time Magazine, para makuha ang Top 10 Selfiest Cities in the World, ginamit nila ang mga datos mula sa Instagram. Sinubaybayan dito ang daloy ng mga larawan na may hashtag na #selfie mula sa 10 araw na pagmamatyag mula Enero hanggang Pebrero. Dagdag pa nila, 400,000 Instagram photos ang inisa-isa nila. Sabi pa sa kanilang pag-aaral, sa isang siyudad hindi bababa sa 250,000 ang residente rito. Mula roon, saka nila binilang ang mga selfies na nakukunan na nasa limang milya lang ang layo at dinivide ito sa bilang ng populasyon sa nasabing siyudad.
Hindi lang isa, hindi lang dalawa, kundi tatlo pang mga siyudad sa Pilipinas ang pumasok sa Top 10 Selfiest Cities in the World. Patunay lamang ito na likas sa ating mga Pinoy ang pagiging masiyahin kasi kahit gaano pa kahirap ang buhay ngayon, nagagawa pa nating ngumiti sa gitna ng unos. Nagagawa pa nga nating mag-selfie, ‘di ba?
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo