DINAGSA NG TULONG ang singer na si Selina matapos lumabas dito sa Pinoy Parazzi ang exclusive story niya tungkol sa palpak na butt augmentation.
“Marami ang nagtawagan sa akin like Erwin Tulfo. Before ako pumunta sa Parazzi, nanggaling na ako sa NBI at nalaman kong marami nang reklamo. Itong inilalabas ko ngang doktor na sa bahay lang ginagawa ang kanyang operasyon, nabigyang-linaw na ang isang doktor, na ang alam ko doktor, mukhang hindi siya totoong doktor,” kuwento ni Selina sa amin kahapon. “Malpractice na, serious physical injuries at nagpanggap pa siya.”
Aminado si Selina na nagpaturok siya ng silicone gel sa kanyang puwet para ito ay umumbok. Hindi siya nagdalawang-isip na gawin ito dahil highly recommended naman sa kanya ng kanyang friends ang doktor na ayaw pa muna niyang pangalanan.
“Ang pakilala sa amin, doktor siya. Basta lahat kami, ang tawag namin sa kanya, doctor,” say ng sexy singer.
“Alam mo, ang mga Hapon, ‘pag nakita kang walang boobs, walang puwet, tsugi.” Ito ang dahilan kaya pina-enhance ni Selina ang kanyang wetpaks.
After four years, may naramdaman na ang singer sa kanyang ipinaretoke.
“’Pag nasa malalamig akong lugar, tumitigas siya na parang bato. ‘Di ba ‘yong mantika ‘pag inilagay mo sa ref, tumitigas? Ako pa naman, kikay, ‘ay wala lang ito.’ Wala namang sugat. Ang impeks’yon po at damage ay nasa loob kaya matatakot kayo. Ngayon na lang lumabas dahil malala na po ako,” say ng mang-aawit .
“Five years ago, nahuli na siya. Last year, nahuli rin ang isang tinuruan niya. Marami siyang practitioner. Parang pioneer ito, eh. Siya ang puntahan namin.”
Sa paniwala ni Selina, marami pang nabiktima ang doktor na gumawa sa kanya ng palpak na trabaho.
“They’re not complaining kasi may pera naman silang pampagawa. Because of pride, because of vanity, hindi nila aaminin.”
May mga artista? “Of course,” kaagad niyang sagot. “Ayoko nang banggitin kasi ‘yong iba nakapag-asawa na. Nakilala sila ng mga asawa nilang parang ano, hindi nila alam na retokada pala. Ngayon naman, ang mga biktima niya, kolehiyala at bakla na sumasali sa contests.”
Sabi ni Selina, nagkaroon lang siya ng lakas ng loob na aminin ang pagiging retokada niya nang makilala niya ang pasyente ng isang medical clinic na halos katulad ang naging problema sa ipinaayos niya.
“Mayayaman lang ba ang puwedeng magkaroon ng hustisya? Paano kami, ‘yong mga walang pera na nagawan ng ganito? ‘Pag mahirap ka, nagreklamo, tanga ka. ‘Pag mayaman ka, sasabihin nila, ‘sige, ipaglaban mo ‘yan.’ At saka ngayon nga, pasalamat ako at nagkataong celebrity ako,” litanya ng singer.
Malaki ang pasasalamat ni Selina sa lahat ng tumutulong sa kanya tulad ng Pinoy Parazzi at publisher nito na si Dr. Raimund Agapito, Philippine Association of Plastic Reconstructive and Aesthetic Surgeons (PAPRAS), Director Nestor Mantaring of the National Bureau of Investigation, ang may hawak ng kaso niya na si Special Task Force Unit Chief Lito Magno, ang kanyang abogadong si Atty. Roy Edgar Dazo at ang media.
“Hindi masamang magparetoke sa kabila ng nangyari sa akin. Una, pag-isipan mong mabuti kung gusto mo talaga ‘yan. Parang insurance ’yan. ‘Pag nagparetoke ka, mag-ipon ka na sa bangko. Hindi mo kasi alam….risk pa rin ‘yon, eh,” payo niya sa mga nagbabalak magpa-enhance ng kung anuman sa kanilang katawan.
Kung siya ang tatanungin, ang reconstructive surgery na ang magiging huli niyang pagpaparetoke.
“Sa totoo lang, ito na lang. Kailangan kong mabuhay, kailangan kong magtrabaho. Hindi ako ipokrita. May pag-asa pa, may bukas pa, sabi nga ni Santino.”
Tulad ng kanyang hit song, tinanggap ni Selina ang lahat ng uri ng panlalait sa pag-aming isa siyang retokada at palpak ang nangyari sa kanyang butt augmentation.
“Nilunok ko na ang lahat ng kahihiyan ko!” Tili ng singer. “Ang panawagan ko nga, pati ng grupo ko… siyempre katawan na ng tao ito, health na… nanawagan sila na mabigyan ng karampatang batas at regulasyon para rito. Kasi, mababa lang ang sentensiya sa ganitong kaso.”