NASA KALAGITNAAN na araw na tayo ng Oktubre at ang iba sa atin ay may pasok pa rin, ang iba ay inaabangan ang Intrams, kung saan ang bawat estudyante ay magpapalakasan sa iba’t ibang sports, at ang iba naman ay kinakabahan o hinihintay na lamang ang final exam dahil ‘yun na ang huling hataw para sa sem nila bago mag-sembreak.
Sa wakas ay magse-sembreak na, dahil ito ang nagsisilbing pahinga muna sa ibang estudyante matapos pagdaanan ang mga maraming school activities, mga tambak na paper works tulad ng thesis, at iba pa. Sa pagwakas ng sem na ito para sa ibang estudyante, siguro ang iba ay tuwang-tuwa dahil sa susunod na sem, maaaring iyon na ang huling sem nila para makakuha ng diploma sa kolehiyo. Gayun pa man, mag-aral pa lalo nang mabuti dahil kahit huling sem na, baka mamaya maging chill lang tayo at may subject na ‘di kanais-nais na baka magpa-extend para sa susunod na sem. Naku huwag naman sana. Kaya aral aral pa rin, konting tiyaga pa at lahat ‘yun magbubunga.
Sa nalalapit na sembreak, ano ang balak mo? May lakad ba kayo ng iyong pamilya, o barkada? O balak mong magpahinga muna magdamag sa bahay. Kahit ano pa ‘yang trip mo sa sembreak, basta maging masaya tayo para mabawi ito matapos ang pinagdaanan na pagod. Ang iba siguro sa atin ay magpapahinga lang sa bahay, tipong kain, tulog, at internet-internet lang sa bahay, Facebook, Twitter at iba pa. At ang iba naman siguro ay magmu-movie marathon ng kanilang bawat paboritong movie, anime, Koreanovela. At ang iba naman ay maglalaro ng computer, magdo-DOTA, League of Legends (LOL), at iba pang online games, habang ang iba naman ay mag-a-outing kasama ang kanilang pamilya o barkada o kaya mamamasyal sa mga mall o park at iba pa.
Ang iba sa atin siguro ay maikli lang ang sembreak na binigay, tipong isang linggo lang ay balik-eskuwela na, balik na uli sa dati. Kahit konting panahon lang ang nabigay para sa sembreak sa mga iba sa atin, gawin nating bawat araw nu’n ay productive na tipong nakarere-relax na nakaaalis ng pagod at nakae-enjoy.
Sa umaga pagkagising, siyempre huwag kakalimutang magdasal lagi pati bago magtanghalian at bago matulog, magpasalamat tayo sa bawat araw na binibigay ni Lord sa atin, at simulan natin ang araw natin with a smile, ngiti lang tayo, kahit may problema, ngiti pa rin, lilipas din ‘yan, masosolusyunan din natin ‘yan. Kumain tayo ng masusustansyang pagkain o kaya kung ano ang paborito mong pagkain na tipong food trip ang balak mo sa sembreak na ito. Mamasyal kayo ng pamilya, barkada, o kaya mag-date kayo ng girlfriend o boyfriend mo, bonding time n’yo rin siyempre kasama ang pamilya o barkada, matapos ang nakapapagod na sem.
Dahil sembreak, mga ilang linggong bakasyon muna, e ‘di ilang linggong wala munang baon. Pero bago magtapos ang sem o klase natin, kahit simula pa lang ng sem ay lagi na tayong mag-ipon. Maraming bagay na magagawa natin sa sembreak na talagang masusulit at nakare-relax, nakae-enjoy, nakami-miss na mga gawain na hindi natin magawa sa kalagitnaan ng sem dahil busy sa mga school papers at activities, gayunpaman, ingat tayo lahat lagi.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo