NANG MAKAUSAP namin si Sen. Bong Revilla, ayaw na nitong pag-usapan pa ang tungkol sa pagkamatay ng kanyang kapatid sa ama na si Ramgen Revilla. Ipinauubaya na raw niya sa awtoridad ang tungkol sa kasong kinasasangkutan ng mga kapatid na napatay. Binibigyang-kulay kasi ang taos-pusong pagtulong ng senador para mabilis umusad ang kaso at matukoy agad kung sino talaga ang salarin na siyang pumatay kay Ramgen.
Sa ganitong pangyayari, papaano hina-handle ni Sen. Bong ang mga intriga tungkol sa kanyang pamilya? “We have to move on, kailangang maging masaya tayo. Kaila-ngan ‘yung outlook namin sa buhay maging positive para positive result lahat. Tama na ‘yung pinagdaanan natin… let’s not talk about it. Mabigat ‘yung pinagdaanan namin, tama na ‘yun. Nagpapasalamat ako sa mga kapatid natin sa industriya na hindi kami pinabayaan. We have to move on. We have to be happy, Pasko na po, tama na ‘yun,” simpleng sagot ng senador sa presscon ng Panday 2.
In fairness, bonggacious to the max ang MMFF entry ni Bong with Marian Rivera ng GMA Films and Imus Productions. One year in the making ang nasabing action-adventure movie.
Ikinuwento ni Bong kung gaano nahirapan si Lorna Tolentino sa papel na ginagampanan niya sa nasabing pelikula. “Malaking sakripisyo ang ginawa ni Ms. LT kaya nagpapapasalamat ako sa binigay niyang suporta sa pelikulang ito. Sabi nga niya sa akin, ‘I’m doing this for Daboy (Rudy Fernandez) kaya nandito pa rin ‘yung espiritu na Pareng Daboy sa katawan ni Ms. LT. Napag-usapan namin ni Lorna before, sabi niya sa akin, ‘Gusto kong gumanap na kontrabida one of this days. Naisip naming i-guest siya rito sa Panday 2. Abangan ninyo kung ano ang dating ni Lorna rito. Ibang Lorna Tolentino ang makikita ninyo kaya laking pasasalamat ko na first time ginawa ni Lorna ang ganoong klaseng role,” pagmamalaking sabi ng butihing Senador.
Anong magic words ang ginamit ni Bong para agad niyang mapapayag si Ms. L.T gumanap na kontrabida? “Niligawan ko, ‘Mare, baka puwede kang mag-guest dito sa Panday 2? Nang binanggit ko sa kanya na ito ang magiging role mo, sumagot agad siya sa akin, ‘I’ll do it! Hindi ko akalain na tatanggapin niya kaya ganoon na lang ang pasasalamat namin sa kanya,” dugtong pa ni Sen. Bong.
Inamin ni Bong na hindi tumanggap ng talent fee sina Lorna, Alice Dixson at Lucy Torres. Maliit na favor lang ang naging kapalit ng kanilang serbisyo, charity para sa mga kapus-palad. “For charity naman ‘yun kaya okay lang. ‘Yung pagpayag nila, labor of love kaya nagpapasalamat ako sa kanila. Maganda ang role nina Alice at Lucy kahit maliit lang ang role very challenging naman. First time kaming nagkasama ni Alice, hindi ko nga alam kung bakit? Kukunin ko pa rin siya sa mga susunod kong project, pinag-usapan na namin,” say ng action star/politician.
Kumusta naman ang working relationship nina Bong at Marian? “Wala akong masabi sa kanya. Napaka-professional at napakagaling na artista. Walang naging problema sa aming dalawa.”
Mahigitan kaya ng Panday 2 ang kinita sa box-office ng Panday 1? “Well, basta tayo ginawa namin ang lahat for this film. Talagang pinaghandaan, mahabang preparasyon. ‘Yun ang biggest challenge for all of us. Sa tingin namin, malalagpasan namin ‘yung part 1. Mas bongga ang special effects tapos ‘ yung sound ipapadala pa sa Bangkok. ‘Yung special effects talagang fantastic!” Ganu’n?
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield