Sen. Bong Revilla, excited na sa kanyang kanuna-unahang teleserye

NAKAKALOKA NA itong ilang araw na ulan, ha! Apektado talaga ang trabaho dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan at ang dami nang lugar na mataas na ang baha.

Traumatic na ito sa mga tao dahil natatakot na sila at baka maulit na naman itong Ondoy.

Kaya nag-iingat na ang karamihan. Kaya lang, saan ka naman pupunta kung baha na ang halos lahat ng lugar?

Ilang araw nang suspended ang mga klase at kahit nga sa mga opisina, hindi na rin sila pumapasok.

Pati ang taping at shooting, apektado rin dahil mahirap mag-shoot kung ganitong ulan nang ulan.

Dapat nga, tuloy ang shooting noong isang araw ng pelikula nina Sen. Bong Revilla, Vic Sotto at Judy Ann Santos, pero hindi na nila itinuloy dahil mahirap na kung mag-uulan na naman nang malakas.

Anyway, itinuloy na lang noong isang araw ang contract-signing ni Sen. Bong sa GMA-7. Finally, natuloy na rin dahil matagal na rin itong naayos. Tuloy na rin kasi ang kauna-unahang drama series nito na may working title na Indio.

Manghang-mangha nga ito nang kinuwento sa kanya kung anong klaseng serye ito, at preparasyon na ibibigay ng GMA-7. Mukhang gagastusan ito nang husto kaya excited na rin si Bong.

Hindi lang masasabi sa ngayon kung sino ang leading lady dahil may mga pinagpipilian pa.

CONGRATULATIONS PALA sa HOT TV dahil mataas ang rating ng pilot episode nila nu’ng nakaraang Linggo.

Maganda ang feedback sa show na ito at ang comment ng karamihan nakakaaliw daw panoorin si Regine Velasquez.

Abangan natin sa susunod na Linggo kung mas maraming kaabang-abang na kuwento.

Medyo pagod na lang sina Jennylyn Mercado at Roderick Paulate dahil pagkatapos ng HOT TV, tuloy pa sila sa gala night ng Protégé.

Mas nakakapagod pa nga kay Jennylyn dahil ga-ling pa siya niyang sa Party Pilipinas.

Nu’ng Linggo rin pala ang simula ng gala night ng Protégé at doon ipinakilala ang dalawampung protégés na hahawakan ng mga mentor na sina Phillip Salvador, Gina Alajar, Ricky Davao, Jolina Magdangal at Roderick.

Kuwento sa akin, kinakarir daw nang husto ng mga mentor ang pag-alaga sa mga protégés nila.

Parang stage mother nga raw ang dating ni Gina na tutok ang pagbantay sa mga alaga niya.

Ganu’n din daw si Phillip na lagi ring nakabantay sa mga protégés niya.

Sina Joey de Leon, Atty. Annette Gozon-Abrogar, Cherie Gil at Direk Bert de Leon ang judges dito.

Sabi nga ni Annette, may nakita na raw siyang potential winner. Pero masyadong maaga pa para pumili kaya tingnan na lang daw niya kung ano ang gagawin nila sa mga susunod na araw.

Kahit ang gala host na si Dingdong Dantes ay meron na rin daw nakitang puwedeng manalo.

Usually raw, tama ang hula niya, kaya tingnan na lang natin kung tama na naman ang napili niya.

In fairness, mataas na rin ang rating nila at tuluy-tuloy pa ito hanggang sa Inside Protégé na napapanood mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng One True Love.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

Previous articleKuya Germs, ‘di raw masama ang loob kay Nora Aunor
Next articleNora Aunor, lalong nawawalan ng career dahil sa mga pekeng Noranian!

No posts to display