SIMPLE LANG daw ang gagawing pagsi-celebrate ng Christmas ng pamilya Revilla. Ito ang nabanggit ni Congresswoman Lani Mercado nang makakuwentuhan namin recently.
“Ano lang… tahimik,” aniya nga. “Wala kaming Metro Manila Film Fest entry kaya mas relaxed kami ngayon. So, family lang. Dito lang kami sa Pilipinas. Simpleng celebration lang. And ang wish ko, matahimik na Pasko.”
Christmas gift na gusto niyang matanggap? “Wala naman akong gustong gift. Katahimikan, peace, and love.”
Tumigil na sila ni Senator Bong sa pagbibigay ng Christmas gift sa isa’t isa? “Mas importante at mas mahalaga ‘yong presensiya ng bawat isa para sa amin sa Pasko.”
Tuloy lang din daw ang pagtulong na ginagawa nila ng asawang si Senator Bong Revilla sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. “Nagpunta si Bong sa Yolanda stricken area sa Leyte. Nagpunta rin siya sa Cebu. Ako naman, kumbaga on the ground kami. Kami ‘yong tumutulong sa pagdadala ng goods doon. Kasi mahirap kung kami lahat, pupunta. Walang facilities. Ang hirap pumunta roon.”
Si Sen. Bong, nananatiling tahimik lang mula nang madawit ang pangalan sa pork barrel scam. Ni hindi nga nababalita kung nag-celebrate ito ng kanyang birthday. “He’s okay. Patuloy lang ang trabaho niya. Nag-birthday naman siya. ‘Yon nga lang, ano… limitado. Ano lang… quiet lang. Family lang.”
Ang anak naman nilang si Jolo, kumusta na matapos manalong vice-governor ng Cavite? “Maayos naman siya.”
May tsismis na kumakalat lately… buntis daw si Jodi Sta. Maria na karelasyon ngayon ni Jolo. Itinanggi na ito ni Jodi.
Pero kung sakali kaya, okey naman siguro kay Cong. Lani sakaling magkaapo na kina Jolo at Jodi? “Basta maayos lang ‘yong situwasyon. Maging maayos lang ‘yong situwasyon nila, no problem.”
Ang Kongreso ngayon, talagang very tough ang kinakaharap na situwasyon na idinulot ng PDAF o pork barrel scam. “Hindi namin ma-extend masyado ‘yong basic services. So, siguro we will find out ways. The government will give us new guidelines how we can extend help sa constituents namin. Kung papaano pa namin magagawa ‘yong mga dati na naming nagagawa.”
Sa tingin niya, naapektuhan nga ba nang husto ang Kongreso sa pagputok ng usapin hinggil sa pork barrel scam? “Kasi no’ng sinabi ng Supreme Court na unconstitutional ang PDAF, we will abide by what the Supreme Court has directed upon us. We will still do our jobs as legislators which is… to legislate. And to… we will comply with what our job descripitions require.”
Nadungisan ba sa kanyang palagay ang pangalan nilang mga kongresista nang dahil sa usaping ito? “Hindi naman nadungisan. Siguro, sabi nga, huwag namang ‘yong kasalanan ni Juan eh, kasalanan ng lahat. Kumbaga, there are still good legislators who are doing their jobs.”
Sa pagkakakansela ng PDAF, mapipilayan nga ba silang mga kongresista? “Maraming nalungkot sa mga ka-distrito namin. Kasi ‘yong dating nai-extend naming tulong, hindi namin magawa ngayon. Katulad ng mga scholarships. At saka ‘yong mga napapaospital namin. Lahat naman. Lahat sa amin na mga kongresista, siyempre maninibago ngayon at sa mga susunod na taon.
“But we will comply to whatever guidelines would be given to us. Pero I’m sure the government will find out ways on how we can extend social services to our district.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan