TWO MONTHS ago, pormal na in-announce nina Shaina Magdayao at John Lloyd Cruz ang kanilang break-up, kung saan ay sinabi ng dalawa na sarili nilang desisyon ang paghihiwalay at walang third party involved.
Kapwa nanahimik sina John Lloyd at Shaina matapos na masangkot noon ang pangalan ni Ruffa Gutierrez sa hiwalayan, kung saan ay palihim daw na nagkikita ang dalawa.
Kung babalikan natin ang nakaraan, ating matatandaan na bago pa ikinumpirma nina Shaina at John Loyd noon ang kanilang pagmamahalan ay nauna nang na-link ang aktor kay Ruffa. Naging mainit noon ang usapin dahil noong mga panahong iyon na may relasyon pa sina Ruffa at Lloydie ay karelasyon din pala nito si Shaina.
At noong October 17, sa kaarawan nang nakatatandang kapatid ni Shaina na si Vina Morales na bestfriend naman ni Ruffa, nag-krus ang landas ng magkaribal. Du’n muling nagliyab ang away sa Twitter at cellphone ng dalawa. At dahil dito, ilang araw ang nakaraan matapos magpalitan ng mga maanghang na salita ang dalawang aktres, inamin ni John na wala na sila ni Shaina na sinang-ayunan naman ng aktres.
Si German Moreno ay very close sa mga Magdayao dahil ang nakatatandang kapatid nina Vina at Shaina ay asawa ng anak ni Kuya Germs. At dahil dito, noong Huwebes nang magkita kami ni Vina nang tanungin namin siya tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng relasyong Shaina at John Lloyd ay mariing sinabi nitong si Kuya Germs na lang ang tanungin.
Dahil dito, nang magkita kami ni Kuya Germs sa gabi ng parangal ng FAMAS sa tanggapan ng NCAA sa Intramuros, agad naming tinanong siya tungkol sa balitang nagkabalikan na sina Shaina at Lloydie.
Narito ang eksklusibong pakikipag-usap namin kay kuya Germs. Sinabi nitong mas maganda kung magkabalikan ang dalawa dahil kapwa naman nagmamahalan ang mga ito.
“Kung nakikita n’yong madalas ngayong magkasama, eh ‘di… good. Siguro ngayon, mas magiging matatag sila kung totoo ngang nagkabalikan sila.” Pagtatapos ni Kuya Germs sa Pinoy Parazzi.
Kumpirmado, nagkabalikan na nga sina John Lloyd at Shaina. Dahil ayon sa ating source, last week daw ay nakita niyang sweet na uli ang dating magkatipan.
SA LAHAT ng entry sa Metro Manila Film Festival, ang Asiong Salonga ang may pinakamalaking problemang kinakaharap. Ito ay may kinalaman sa pagpo-promote ng nasabing pelikula.
Trivia: Si Asiong Salonga ay si Nicasio Salonga na ipinanganak sa Coral, Tondo, Manila. Malapit sa Gregorio Perfecto High School (kung saan ako nag-aral). Malapit din sa Iglesia ni Kristo, kung saan sa nasabing lugar ay kinitil din ang kanyang buhay ng nagngangalang Carlos Capistrano o mas kilala sa tawag na Totoy Golem. Si Asiong Salonga ay isinilang noong 1924 at namatay naman noong October 8, 1951.
Ang Asiong Salonga ay unang isinapelikula ni Joseph Estrada noong 1965, nasundan ito noong 1978 na kung saan ay ang yumaong si Rudy Fernandez ang bida.
At ngayong 2011, muling isinapelikula ang Asiong Salonga at kasama ito sa pitong entry na maglalaban sa Metro Manila Film Festival, kung saan ang mga bida ay sina Philip Salvador, Baron Geisler, Carla Abellana at Laguna Governor ER Ejercito.
Unang nagkaproblema ang Asiong Salonga kay Philip Salvador na sumama ang loob dahil sa billing pero naayos din agad. Hindi naging malaking usapin kay Governor ER ang hinaing ni Ipe. Sumunod nito ay si Carla Abellana na hindi pinayagang mag-promote ng pelikulang Asiong Salonga ng kanyang mother studio at ni Mother Lily mismo dahil kasama ang aktres sa pelikulang Yesterday, Today Tomorrow na kalaban ng Asiong Salonga sa MMFF.
Hindi pa nga nareresolba ang hindi pagpo-promote ni Carla, heto may bago na uling problema. Pinagbawalan diumano ng DILG na mag-live guest sa mga telebisyon para magpromote ng kani kanilang mga pelikula ang mga artistang politician na kasama sa pelikulang itatanghal sa araw ng Kapaskuhan. Dito apektado hindi lang si Gov. ER, kundi maging si Sen. Bong Revilla.
Pero inabot man ng kung anu-anong problema ang Asiong Salonga, malaki ang paniniwala ni Gov. ER na panonoorin ng mga tao ang kanyang pelikula, dahil maganda ito at ginastusan nang husto, kung saan ay kulang sa isang daang mil-yong piso ang ipinuhunan dito.
More Luck
by Morly Alinio